Dulot ng bagyong Egay, muling binaha ang ilang lugar sa Oriental Mindoro dahil sa patuloy at malakas na pag-ulan. Maraming magsasaka na naman ang naapektuhan ng nasabing kalamidad sapagkat ang kanilang palayan ay muling nalubog sa tubig dahil sa pag-apaw ng mga ilog.
Kaugnay dito, agaran naman kumilos ang mga kawani ng Rice Program ng Department of Agriculture – MIMAROPA upang magsagawa ng on-site validation at damage assessment sa mga naging pinsalang idinulot ng naturang bagyo sa mga itinanim na palay ng mga magsasaka. Tinungo ng mga itinalagang assessment team ang barangay na naitalang lubhang naapektuhan ng pagbaha mula sa Lungsod ng Calapan, Baco, Bongabong, Bulalacao, Mansalay, Naujan, Pinamalayan at Victoria.
Kinumusta at kinapanayam ng mga ito ang kalagayan ng mga sakahan at magsasaka na natukoy na totally damaged ang palayan. Hinaing ng mga ito na ilang linggo pa lang sila na nagtatanim ay agad na itong sinalanta ng baha kung kaya’t hindi nila alam kung mabubuhay pa ang kanilang pananim o magtatanim na lang muli.
Sa kabilang banda, bahagi naman ang isinagawang balidasyon sa maaaring interbensyon na ipagkaloob ng kagawaran sa mga rice farmers na naapektuhan ng pagbaha tulad ng buffer seeds o fertilizer.
Base sa datos ng Provincial Agriculturist’ Office (PAGO) as of July 28, 2023, naitala nasa 3,320.22 na ektarya ng palayan ang nalubog sa baha sa lalawigan na kung saan nasa 1,973 na magsasaka ng palay ang apektado nito. Tinatayang umabot sa Php 106,489,542.40 ang kabuuang halaga na napinsalang sakahan ng bagyong Egay.
Para naman sa ibang commodity, nasa Php 4,119,396.73 ang total losses sa High-Value Fruits and Vegetable, Php 8,301,187.50 sa Corn, Php 20,000.00 sa Cassava, Php 262,500.00 sa Fisheries at Php 1,800.00 sa Livestock and Poultry.
Samantala, ayon pa rin pinakahuling datos sa Damage Report ng PAGO, naitala na nasa 2,147 na magsasaka at mangingisda ang naapektuhan ng pagbaha habang tinatayang nasa Php 119,194,426.63 ang kabuuang halaga ng pagkalugi at napinsalang produktong agrikultural sa Oriental Mindoro na kung saan patuloy pa rin ang isinagawang valuation ng losses at damages ng PAGO sa mga binahang lugar.