Nagpatawag ng isang pagpupulong ang Office of the Civil Defense sa Rehiyon ng MIMAROPA (OCD-MIMAROPA) nitong ika-28 ng Setyembre sa pmamagitan ng Zoom upang pag-usapan ang paparating na pagsapit ng La Niña at maaaring epekto nito sa Rehiyon. Kasama rin sa pagtitipon ang Department of Agriculture MIMAROPA (DA-MIMAROPA) kung saan nilatag nito ang kanilang mga paghahanda at mga interbensiyon na maaaring gamitin kung sakaling maminsala man ito sa mga sakahan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang La Niña ay magsisimulang mararanasan sa bansa simula Oktubre nitong taon hanggang sa unang tatlong buwan ng 2022. Ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng temperatura ng dagat Pasipiko na maaaring magdala ng malalakas na bagyo at tag-ulan lalo na sa silangan bahagi ng Pilipinas.
Tinalakay ni Gng. Rusy Abastillas, isa sa Senior Weather Specialist ng PAGASA, na ang kalakhang rehiyon ng MIMAROPA ay malaki ang posibilidad na makakaranas ng mataas sa normal na buhos ng ulan simula Oktubre hanggang Disyembre. Ayon sa kanya, aabot sa 200mm hanggang 400mm ang magiging dami ng buhos ng ulan sa panahon na ito. Nakikitang hihina ito simula Enero hanggang Marso na aabot 50mm hanggang 200mm kung saan ito ay malapit na sa normal na buhos ng ulan. Inaasahan din na lima (5) hanggang walo (8) bagyo ang darating sa Pilipinas sa mga buwan na ito.
“Sa MIMAROPA pinapakita more than 50% or 60% ang probabilistic forecast (ng above normal rainfall) base sa istasyon (ng PAGASA) sa Romblon, Calapan (Oriental Mindoro), San Jose (Occidental Mindoro), Coron (Palawan) and Puerto Princesa City simula Oktubre hanggang Marso. Pero bababa ito sa paglipas ng buwan,” kanyang dagdag na paliwanag sa antas ng posibilidad na pagdating ng La Niña sa darating na Oktubre.
Ayon sa kanila, ang paglabas ng anunsiyo ng PAG-ASA ukol sa La Niña ay hudyat na para sa mga kinauukulan na gumawa ng aksiyon para paghandaan at maiwasan ang matinding epekto nito sa mga tao lalo na sa kanilang kabuhayan.
Kaya naman minabuti ng OCD MIMAROPA na iparating sa bawat local government unit at ahensiya ng gobyerno ang paghahanda at mga maaaring gawin para dito.
Samantala, ang Kagawaran ng Pagsasaka sa pamamagitan Disaster Risk Reduction Management (DRRM) Program nito ay tinalakay ang mga paghahanda at mga serbisyo na makakatulong sa pag-iwas sa matinding pinsala ng La Niña sa kabuhayan ng mga magsasaka, kasama na rin ang mga tulong sa mga magiging biktima nito.
Ayon sa ulat ni G. Randy Pernia, Focal Person ng DRRM Program ng DA-MIAMROPA, ang ahensiya ay may naihanda ng 7,000 bag ng buffer rice seed, mayroong dalawang (2) itatayo at dalawang (2) isasaayos na diversion dam sa Palawan para sa pagkontrol ng pag-apaw ng tubig sa mga irigasyon, nakapamigay na ng 66 unit na combine harvester para sa agarang pag-ani ng mga pananim bago pa man rumagasa ang malakas na ulan, 82 unit na 4-wheel drive tractor para sa muling paghahanda ng lupa matapos ang bagyo o baha, 34 unit na drying facility (recirculating at mobile dryer) para sa pagpapatuyo ng mga ani kahit na may pag-ulan, at 13 rice processing center para sa tuloy-tuloy na pagpapatuyo, paggiling, at maayos na imbakan ng mga ani. May nakalaan ding pondo na maaaring makabili ng 8,400 bag ng certified seeds; 13,500 bag na hybrid seeds; at 221,639 na pakete (5gms bawat pakete) ng iba’t ibang binhing gulay na ipapamigay sa mga maapektuhan ng kalamidad.
Bukod rito, nilatag niya rin ang iba pang gawain at serbisyo ng DA para sa paghahanda sa mga dumarating na kalamidad, kasama rito ang mga sumusunod: pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan o sa kanilang Provincial La Nina Task Force; pagtayo ng AMIA (Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture) Village kung saan nagpapakilala sila ng mga climate-smart na pamamaraan sa pagtatanim sa lugar na matinding naapektuhan ng tagtuyot at lugar na madalas na binabaha; pagpapalakas ng pamumuhunan sa agricultural enterprise; puspusang pagbabantay sa presyo ng mga kalakal; paghihikayat ng crop insurance sa mga magsasaka; at pagtuturo ng National Color Coded Agricultural Map.
Kasama rin sa kanyang binahagi ang pagkakaroon ng ahenisya ng Seasonal Climate Outlook na pinagtutulungan ng DRRM Program at Research Division. Ito rin ay nakabase sa nilalabas na ulat ng PAGASA. Ito ay makikita sa https://www.facebook.com/AMIA-Mimaropa.
“Meron na po kaming ilang munisipyo na napagbigyan nito. Makikita dito ang posibleng panahon sa darating na 10 araw at mga maaaring gawing paghahanda o gagawin sa halaman base sa kanilang phase,” kanyang pagbabahagi.
Nagtapos naman ang pagtitipon sa mensahe ni Gng. Nieves Bonifacio, OCD-MIMAROPA Asst. Regional Director, kung saan inaasahan nila makakatulong ito sa pagbuo ng mga plano at paghahanda ng bawat local government unit at mga ahensiya para maiwasan ang matinding epekto nito.