Bilang karagdagang tulong sa mga magsasaka at para bigyang kahalagahan ang agrikultura lalo na ngayong nasa panahon ng COVID-19 pandemic, namahagi ang Occidental Mindoro State College (OMSC) – Murtha Campus sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture-MiMaRoPa Livestock program ng mga upgraded native chickens sa mga magsasaka sa Barangay Murtha, San Jose, Occidental Mindoro.
Nagsimula ang proyekto ng native chicken dispersal noong Marso 2020 kasabay ng community quarantine dahil sa pandemya. Naipamahagi na sa mga benepisyaryong magsasaka ang 200 upgraded native na sisiw na may edad 5 hanggang 10 araw.
Ang proyekto ng native chicken dispersal ay magtatagal sa loob ng isang taon at target na mabibigyan nito ang 200 mga benepisyaryo. Ayon kay Dr. Glimar Gaspar, Director ng Occidental Mindoro State College – Murtha Campus, 20 na pamilya ng magsasaka sa ngayon ang nabigyan na ng mga native chicken mula sa kanilang programa. Para lubos na maipatupad ang proyekto, lumagda sa isang kasunduan (Memorandum of Agreement) ang mga benepisyaryong magsasaka na tumanggap ng native chicken.
Inaasahan na makatutulong ang native chicken dispersal project para madagdagan ang kinikita ng mga magsasaka sa bayan ng Murtha. Layunin din ng proyekto na makadebelop ng mga potential breeder na silang mag-aalaga ng native chicken na magsusupply ng mga organikong manok at mga itlog sa hinaharap, dagdag pa ni Gaspar.
Samantala, malaki ang pasasalamat na ipinaabot ng mga benepisyaryo sa Brgy. Murtha na tumanggap ng native chicken. Sabi ni Mr. Rico dela Cruz, isa sa mga benepisyaryo, “nagpapasalamat po ako dahil malaking bagay din po sa amin na nabigyan kami ng ganoong klaseng manok na aalagaan po namin.” Ibinigay sa kanya ng OMSC at DA-MiMaRoPa ang 18 piraso ng native chicken na lahing parawakan.
“Sisiw pa lamang ng ibigay sa akin. One and a half months pa lang ito sa akin, binigay sa akin noong Abril.” sabi ni dela Cruz. Masaya siya dahil nabigyan ng ganoong klaseng manok na siyang pinagkakaabalahan at inaalagaan ng kanilang pamilya sa panahon na naka-community quarantine ang kanilang lugar. “Kung sakaling lumaki sila at dumami ay malaking bagay po sa amin na makakatulong sa pangkabuhayan namin at tawid gutom,” dagdag pa niya. Si dela Cruz ay isang magsasaka na nagtatanim ng palay, mais, at sari-saring gulay. Unang beses pa lang siya mag-aalaga ng manok.
Ayon kay Director Gaspar, ang kasalukuyang native chicken dispersal project ay nagsimula noong 2016 nang nagsumite ang OMSC ng isang project proposal sa Regional Executive Director (RED) ng DA-MiMaRoPa. Layunin ng proposal na pinamagatang “Establishment of Sustainable Agricultural Development: Upgrading of Native Goat, Breeding Improvement of Native Chicken and Apiculture Production in Occidental Mindoro” na suportahan ang ginagawa ng kolehiyo kaugnay sa Research, Instruction, Production, and Extension (RIPE) gayun din ang magpaabot ng tulong sa mga pamilya ng magsasaka sa komunidad ng Brgy. Murtha.
Ang native chicken dispersal project ay alinsunod sa R.A. 10068 na kilala rin bilang Organic Agriculture Act of 2010. Naka angkla ang produksyon ng native chicken sa pamamagitan ng free range system sa Occidental Mindoro sa paghahatid ng suporta sa mga magsasaka at iba pang mga stakeholders.