Sa kasalukuyan ay umabot na sa 100,000 ang mga nakapagtala sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) sa buong rehiyon. Kinabibilangan ito ng mga magsasaka, manggagawa sa sakahan, at mga mangingisda.
Ang RSBSA ay opisyal na talaan ng Kagawaran ng Pagsasaka ng mga pangunahing impormasyon ng mga magsasaka, mga manggagawa sa sakahan at mangingisda upang mas mapadali ang pag-iipon ng mga datos na kinakailangan sa pagbuo ng mga programa at polisiya ng gobyerno para sa kanilang sektor. Sa pamamagitan din nito, mas napapadali ang pagsali ng mga magsasaka at mangigisda sa mga programa ng ahensiya. Nakakatulong din ito na maisaayos ang pag-abot ng tulong ng ahensiya sa mga nararapat na mga benepisyaryo.
“Napakahalaga ng RSBSA dahil naisasama lahat farmers na dati ay hindi naisasama at pati ang mga magsasaka na may maliliit na sakahan ay naisasama na rin upang maka-avail ng mga programa at assistance. Simula nang magkaroon ng ganitong programa ang Department of Agriculture (DA) ay na-capture namin lahat ng farmers na nangangailangan ng tulong. Malaking katulungan ang mga programa ng DA at nararamdaman namin ito sa baba,” sabi ni Gng. Pamela Vega Escarez-Rago, Agriculturist sa Local Government Unit ng Calapan City.
Nagpapasalamat naman ni Gng. Maricel Bagun ng Samahan ng Magsasaka sa Puting Tubig, Brgy. Puting Tubig, Calapan City dahil simula nang makasama siya sa RSBSA at makatanggap ng iba’t ibang intervention mula sa kagawaran ay lahat na ng gastusin niya sa pagsasaka ay nabawasan at nadagdagan pa ang kaniyang kita.
“Sobrang laki na po ng gastusin namin sa panahon ngayon simula po sa krudo at labor. Kaya nang makasali po kami dito ay nabawasan po ang aming gastusin dahil nakatanggap kami ng fertlizers, sigurado rin kami na mayroon kaming binhing maitatanim at nakadagdag po ang Php 5,000 na Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) sa aming kapital para sa aming pagbubukid,” pagbabahagi ni Gng. Bagun.
Samantala, ibinahagi naman ni Gng. Juvelinda Baes mula Brgy. Biga mula sa parehong bayan ang kagandahan ng pagtatanim nila ng hybrid seeds mula sa DA.
“Nakatulong po ng malaki ang pagbibigay ng DA ng binhing hybrid seeds na napakamahal kung bibilhin namin. Simula po noong nagtanim kami ng hybrid ay talaga pong lumaki ang aming ani hindi po katulad noong ang gamit namin ay goods seeds lamang. Mas malaki ang improvement ngayong kami ay nasa hybrid na,” wika ni Gng . Juvelinda Baes mula Brgy. Biga sa nasabing bayan.
Nagpasalamat rin si Gng. Baes sa natanggap na Php 5,000 cash mula sa RFFA at Php 25,0000 na cash loan sapagkat ito ay napakalaking tulong sa kanila upang makabili ng karagdagang abono, krudo at iba pang kailangan sa pagsasaka.
Ayon kay Gng. Anna Lalaine Olivar, RSBSA Regional Focal Person, ay patuloy pa rin ang updating at profiling ng mga impormasyon ng mga magsasaka at naka-target itong matapos sa susunod na taon.
Sa ngayon, patuloy pa ring hinikayat DA ang lahat ng magsasaka, mga manggagawa sa sakahan, mangingisda gayundin ang nasa paghahayupan na magrehistro na sa RSBSA. Makipag-ugnayan lamang sa DA-MIMAROPA o sa Municipal/City Agriculture Office upang makakuha ng enrollment form.