Patuloy na sinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang modernisasyon sa pagsasaka sa rehiyon ng MIMAROPA sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya katulad ng agricultural drone (AGRAS T30) na magpapababa ng gastos at magpapabilis sa proseso ng produksiyon ng palay.
Sa pangunguna ng DA-MIMAROPA Rice Program katuwang ang New Hope Corporation, nagkaroon ng isang linggong pagsasanay sa paggamit ng AGRAS T30 sa probinsiya ng Occidental Mindoro, ika-5 hanggang ika-9 ng Disyembre.
Dinaluhan ang aktibidad ng 50 partisipante mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng Oriental Mindoro at Occidental Mindoro at mga Municipal Agriculture Office ng Magsaysay, Rizal, Sablayan, Calintaan, Sta. Cruz ng huling nabanggit na probinsiya.
Ang AGRAS T30 ay isang multi-purpose agricultural drone na kayang mag-spray ng 15 litro kada ektarya sa loob lamang ng anim (6) na minuto at magsabog ng 30-40 kilo ng binhi sa isang (1) ektaryang palayan sa loob lamang ng 10-15 minuto. Bukod sa mas mababang gastos sa inputs, makatutulong din ito na mabawasan ang labor cost at mas ligtas pang gamitin lalo na sa paglalagay ng mga pestisidyo.
Ayon kay Rice Program Occidental Mindoro Provincial Coordinator Ronald Degala, isa ito sa mga istratehiya sa agrikultura sa ilalim ng Philippine Rice Information Management System (PRiSM) kung saan nakapaloob ang mga bagong teknolohiya partikular sa pagkalap ng mga datos hinggil sa mga sakahan. Layunin aniya ng pagsasanay na higit na maiangat ang mga nangungunang probinsiya at munisipalidad sa MIMAROPA pagdating sa produksiyon ng palay.
“Nandito tayo para maging beneficiary ng (agricultural) drone dahil concerned tayo sa major rice (producing) municipalities at provinces. Sana ma-appreciate natin ang bagong technology, makita natin na ma-maximize ang farming operations, ma-reduce ang cost of production, at magkaroon (kayo) ng technical capability sa operation ng drone,” aniya.
Binigyang diin naman ni DA MIMAROPA OIC, Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting na resulta aniya ang pagsasanay ng pagnanais ng kagawaran ng modernisasyon sa agrikultura kung saan makakatulong ang agricultural drone sa pagsasabog-tanim at paglalagay ng pestisidyo. Bahagi rin nito ang pagkakaloob ng agricultural drone sa mga probinsiya ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, at Palawan.
“Tayo sa MIMAROPA ang pangatlong region na nag-procure nitong agriculture drone at ito ay malaking tulong ito para sa ating mga farmers. May ibibigay tayo sa Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Palawan na top rice producing provinces sa rehiyon at sa kanila natin ipamamahala ang mga agricultural drones para madaling maiparating ang teknolohiya sa farmers groups na mas kikita ng malaki sapagkat mababawasan ang kanilang cost of production,”paglalahad ni OIC, RED Inting.
Hiniling rin niya sa mga magsasaka ang pagtangkilik sa naturang teknolohiya sa oras na makita nila ang kapakinabangan nito sapagkat nagbabalak aniya ang tanggapan na magkaloob ng agricultural drone sa mga cluster ng mga magsasaka ng palay sa mga susunod na taon.
Maliban naman kay OIC, RED Inting, personal ring sinaksihan ang pagsasanay nina Regional Technical Director for Operations Engr. Elmer T. Ferry, APCO Eddie Buen, dating RED Antonio G. Gerundio na kasalukuyang consultant ng tanggapan at ng ilang municipal agriculturists mula sa Occidental Mindoro. Dumating rin si Magsaysay Mayor Cesar Tria, Jr. at MAO Richard Ochavez na nagpahayag ng pasasalamat sa pagpili ng Magsaysay Demo Farm para sa testing ng mga agricultural drones na malaki anila ang magiging kapakinabangan sa mga sakahan sa kanilang bayan.
“Nagpapasalamat kami dahil kami ang napiling pilot demo farm para sa testing ng agricultural drone at nakita natin na talagang very effective and beneficial (ito), napakalaking tulong lalo na kung magagamit talaga ng magsasaka para sa advancement ng agriculture dito sa bayan ng Magsaysay lalo na sa buong lalawigan ng Occidental Mindoro. Kinakailangan talaga namin ng mga ganitong klaseng kagamitan sa pagsasaka kasi dito kami nagko-concetrate, dito kami nabubuhay kaya ang pinalalakas ng pamahalaang lokal ay pagsasaka, kung mabibigyan kami (nito) ay talagang napakalaking bagay,”pahayag ng alkalde.
Iba pang bentahe ng agricultural drone
Maliban sa mga palayan, maaari ring gamitin ang AGRAS T30 sa mga puno ng prutas, may dual front person view (FPV) o may camera sa harap at likod, global positioning system (GPS) guided kaya hindi pabago-bago ang flight path, pantay ang pag-i-spray at pagkalat ng binhi, at mayroon ring multispectral imaging kung saan nasusukat ang kalusugan ng halaman at nalalaman alin lamang ang nangangailangan ng pataba dahilan upang makatipid sa paggamit ng abono.
Paalala ni Juanito S. Emiliano, drone pilot, instructor at technician ng New Hope Corporation, na baterya ang isa sa mga pangunahing dapat pangalagaan sa agricultural drone upang tumagal ito.
“Dapat tandaan na before flight ay handa na ang battery, chemicals na gagamitin at kontrolado ang distansiya ng mga tao. During flight, dapat laging nakabantay sa battery ng drone and after flight ay dapat panalitihing malinis ang drone, kailangang magamit at least twice a week ang battery para mapahaba ang life span nito,” aniya.
Isa si Vincent Dioshua A. Yambao, Special Assistant to Agricultural and Biosystems Engineering ng Office of the Provincial Agriculturist Oriental Mindoro sa mga partisipante sa pagsasanay at nakikita na aniya ang malaking maitutulong ng agricultural drone sa pagsasaka.
“Masaya ang training, marami kaming natutunan about sa agricultural drone. Malaking tulong ang agricultural drone lalo na sa pagpapababa ng labor cost at paggamit ng agricultural inputs,” aniya.
“Mahalaga ang training na ito para sa amin kasi malaking tulong ito sa modernization ng agrikultura sa Occidental Mindoro, lalo na ang sinusulong natin ay modern ways of agriculture. Ito po ay gagamitin namin sa aming demo farm at magsisilbing training ground ang demo farm para maipakita natin ang mga bentahe ng paggamit ng agricultural drone sa mga magsasakang interesado dito,” pahayag naman ni Grace C. Pastrana, Agricultural Technologist sa Office of the Provincial Agriculturist Occidental Mindoro at kalahok rin sa pagsasanay.
“Nagpapasalamat po kami kay DA Secretary, Pres. Bongbong Marcos, kay DA MIMAROPA OIC, RED Engr. Ma. Christine C. Inting sa pagbibigay ng training at pagkakalob ng drone na alam naming makatutulong nang malaki sa ating mga mga farmers. Nagpapasalamat rin kami sa DA MIMAROPA Rice Program sa pag- i-initiate na kami ay i-prioritize sa training ng paggamit ng agricultural drone,” mensahe naman ng pasasalamat mula kay Raquel I. Arcilla, Agricultural Technologist sa OPAg - Occidental Mindoro.