Sa kalagitnaan ng paglaganap ng Covid-19, daan-daang magsasaka ng MiMaRoPa ang nahirapang maitawid ang kanilang mga produktong agrikultural dulot ng pinaigting na community quarantine. Bilang pagtugon sa hinaing ng kani-kanilang lokal na magsasaka, umaksyon ang mga lokal na pamahalaan ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan nang sa gayon ay kumita ang mga magsasaka para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan lalo na sa kanilang patuloy na pagsaka at pag-ani para sa bayan.
“Binibili nila yung mga produktong ani ng mga magsasaka tulad ng halimbawa, ng saging at sabing na saba, puso ng saging, labong upo, mangga mula sa iba ibang barangay dito sa aborlan”, wika ni Aborlan, Palawan Mayor Celsa Adier, “Ito ay upang… maiwasan pang magtungo sa palengke ang mga mamamayan at makatulong sa mga magsasaka na hindi masira ang kanilang mga ani.”
Bumibili rin ang lokal na pamahalaan ng Romblon sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo – Fabic ng mga gulay at prutas mula sa mga magsasaka at idinadagdag ang mga ito sa ipinamimigay na relief goods na sariwang mga dressed chicken, isda, bigas, at de lata na kanilang ibinabalot kasama ng volunteers. Aabot sa P1.2 milyon ang produktong agrikultural na bibilhin ng lokal na pamahalaan mula sa mga ani ng kanilang mga magsasaka.
“Ito ay malaking tulong para sa mga magsasaka, mangingisda at mga tagapag-alaga ng manok ng mga lehitimong miyembro ng mga asosasyon sa kani-kanilang mga barangay na kinasasakupan ng Odiongan.”, paliwanang ni Mayor Fabic, “Sa ganitong paraan, masisigurado ang mga Odionganon ay makatatanggap ng masustansyang pagkaing siyang kailangan para panatilihing malakas ang resistensya laban sa sakit at masisigurado rin na ang kanilang mga lokal na producers ay hindi mapapabayaan.”, dagdag niya.
Ayon sa Romblon News Network, naging bahagi rin ng inisyatibo si Dating Calatrava Mayor Bong Fabella na patuloy pa ring pinagsisilbihan ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pamimigay ng libreng isda sa mga residente nito.
Binili rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque ang 500 kilo ng kamote at 26 kilo ng letsugas ng Sibuyao, Torrijos bilang pagtulong na maibenta ang mga produkto ng mga lokal na magsasaka mula sa malalayong lugar. Patuloy din ang kanilang pamamahagi ng mga butong pantanim sa lalawigan para sa mga gulay na maaaring alagaan sa mga bakuran ng mga mamamayan habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine.
Sa pakikipag-ugnayan sa Office of the Muncipal Agriculturist ng Abra De Ilog, Occidental Mindoro na pinangungunahan ni Municipal Agriculturist Julius Judelito Amodia, namigay din ng isda at gulay ang lokal na pamahalaan ng Abra De Ilog. Sa kabilang panig, bumili rin ang Calapan City, Oriental Mindoro LGUs ng bigas at melon para sa kanilang Covid-19 at food corridor frontliners, ayon kay Provincial Agriculturist Christine Pine. Tumutulong din ang Bureau of Plant Industry-Plant Quarantine Services Division sa pamamagitan ni Area Manager Lorna Cepillo sa pagtulong sa mga magsasakang humahanap ng potential buyers tulad ni Mar Bautista mula Baco, Oriental Mindoro para sa kaniyang supply na melon at pakwan.
Binigyang pansin ni Kalihim ng Pagsasaka William Dar ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa mga magsasaka ng MiMaRoPa at sinaluduhan ang kanilang pagtangkilik at pagbili ng mga produktong agrikultura. Hindi lamang ito makakatulong sa kita ng mga magsasaka, magiging mainam din ang inisyatibo sa pagpapalakas ng resistensya ng mga mamamayan laban sa pandaigdigang banta ng Covid-19, dagdag ni Kalihim.
Inaanyayahan din ni Kalihim Dar ang iba pang LGUs na patuloy na tangkilikin ang mga produkto ng mga magsasaka lalo na sa panahon ng sakuna kung saan kailangan ng sambayanan ang sapat na lakas at kita sa gitna ng enhanced community quarantine.
Malaki naman ang naging pasasalamat ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio sa agarang pagresponde ng mga lokal na pamahalaan sa pakikiusap ng Kalihim na huwag pabayaan ang mga lokal na mga magsasaka. "We are very glad some LGUs, lalo na ang Aborlan (Palawan) at Odiongan (Romblon), who responded immediately sa panawagan ng Minamahal nating Kalihim na bilhin nila ang mga produkto ng mga magsasaka. This is very helpful lalo na yung mga walang wala sa buhay at syempre sa mga magsasaka na nabilhan nila ng kanilang produkto,” ani ng Director.