News and Events

Mga programa at proyektong isasakatuparan ng HVCDP MiMaRoPa ngayong 2022, nakalatag na
Isa – isang nagbahagi ng mensahe hinggil sa mas epektibong implementasyon ng mga programa ng HVCDP MiMaRoPa sina DA RFO MiMaRoPa RED Antonio G. Gerundio, HVCDP Regional Focal Person Corazon O. Sinnung, AMAD Chief Dr. Celso C. Olido, at APCO Coleta C. Quindong.

Mga programa at proyektong isasakatuparan ng HVCDP MiMaRoPa ngayong 2022, nakalatag na

Nakalatag na ang mga programa at proyektong isasakatuparan ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) MiMaRoPa para sa taong 2022 matapos ang isinagawang oryentasyon ng mga programa at pagpaplano ng mga aktibidad na idinaos sa Lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro kamakailan.

Pinangunahan ang aktibidad ni HVCDP Regional Focal Person at Department of Agriculture (DA) Regional Field Office - MiMaRoPa Operations Division OIC Corazon O. Sinnung at dinaluhan ng mga kawani ng nasabing programa sa buong rehiyon kasama sina Regional Integrated Agriculture Research Center (RIARC) Chief Dr. Jovilito Landicho at kinatawan mula sa Research Division na si Genesis U. Castro.  Naging panauhin naman sina Regional Executive Director Antonio G. Gerundio, Agricultural Program Coordinating Officer Coleta C. Quindong, Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) Chief Dr. Celso C. Olido, at Provincial Tourism Investment, and Enterprise Development Office (PTIEDO) Head Orlando B. Tizon.

“Malaki ang parte ninyo pagdating sa identification ng beneficiaries, dapat ngayon pa lamang ay nagba-validate na kayo ng mga beneficiaries natin at lahat ng documents na kailangan sa procurement ay dapat na mapag-usapan natin,” pagbubukas na mensahe ni HVCDP Regional Focal Person Sinnung.

Binigyang diin rin niya na kailangang nakaangkla sa One DA Reform Agenda ang lahat ng aktibidad na gagawin nila.

“Kung maririnig ninyo si Sec. Dar at si RED Gerundio, palagi nilang sinasabi na ang ating mga activities ay dapat na naka-anchor sa One DA Reform Agenda na mayroong apat (4) na components – consolidation, modernization, industrialization, at professionalization kung saan sa ilalim nito ay mayroon namang 18 istratehiya,” dagdag ni Mrs. Sinnung.

Kabilang sa mga programa ng HVCDP MiMaRoPa na magpapatuloy ngayong 2022 ang Gulayan sa Paaralan kung saan 133 na pampublikong paaralan sa buong rehiyon ang target na maging benepisyaryo nito.

Naglaan ng mahigit P99 milyon para sa implementasyon ng mga programa ng HVCDP MiMaRoPa ngayong 2022. Nasa ilalim ng Technical and Support Services Program ang Production Support Services at Extension Support, Education, and Training Services Sub-programs na nilaanan ng P52,545,000.  Kabilang dito ang distribusyon ng mga binhi ng pulang sibuyas at mga gulay, mga pananim na kasoy, citrus, cacao, organic at inorganic fertilizers; maintenance ng production facilities; mga pagsasanay o package of technology sa pagtatanim ng gulay, sibuyas, calamansi, kasoy, at cacao, at mga technology demonstration sa rehabilitasyon ng cacao at kasoy.

Kabilang naman sa mga proyekto sa ilalim ng Agricultural and Fishery Machineries, Equipment, and Facilities at Irrigation Network Services Sub-programs na sakop ng Agricultural Machinery, Equipment, Facilities, and Infrastructures Program na pinondohan ng P36,911,000 ang pamimigay ng tractor; inputs at mga garden tools para sa school garden, urban garden, at gulayan sa barangay; mga plastic crates; packing house facility; pump irrigation system for open source (PISOS) at shallow tube wells.

Naglaan rin ang HVCDP MiMaRoPa ng P9,775,000 para sa field program monitoring activities sa buong taon. 

Paalala ni Regional Executive Director Gerundio, tiyakin na ang mga programa at proyektong ibibigay sa mga magsasaka ay naaayon sa kanilang pangangailangan upang makatulong ng malaki sa kanila at magkaroon ng masaganang ani at mataas na kita.

“Dapat tingnan ninyong mabuti doon sa inyong mga interventions kung ano ba talaga ang kailangan ng ating mga magsasaka, mga bagay na hindi nila kayang bilhin pero kailangang – kailangan nila. Let us provide goods na marami ang makikinabang,” mensahe ni RED Gerundio sa mga kawani ng HVCDP MiMaRoPa.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.