News and Events

Mga mangingisda na naapektuhan ng oil spill sa Pola sumailalim sa pagsasanay ukol sa pagprodyus ng kalamansi
Ang mga miyembro ng Saint John D’ Baptist Fisherfolk Association ng Puting Cacao, bayan ng Pola, Oriental Mindoro na sumailalim sa Training on Calamansi Production Technology kasama ang mga resource speaker ng pagsasanay.

Mga mangingisda na naapektuhan ng oil spill sa Pola sumailalim sa pagsasanay ukol sa pagprodyus ng kalamansi

Bilang bahagi ng interbensyon ng Department of Agriculture (DA) sa mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill, sumailalim ang 20 miyembro ng Saint John D’ Baptist Fisherfolk Association (SJDBFA) ng Puting Cacao, bayan ng Pola, Oriental Mindoro sa isinagawang Training on Calamansi Production Technology ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) ng DA – MIMAROPA katuwang Municipal Agriculture Office.

Ang mga nasabing partisipante ay ang lubhang naapektuhan ng oil spill na nagpatigil sa kanilang pangingisda at ang tanging ikinabubuhay lamang ngayon ay ang pagtatanim.

Aktibo at masayang nakilahok ang mga mangingisda sa pagsasanay upang magkaroon ng kaalaman sa pag-aalaga at pagtatanim ng kalamansi na matibay sa sakuna tulad ng bagyo. Makakatulong din ito para magkaroon ng dagdag pagkakakitaan ang mga miyembro ng nasabing asosasyon.

Nagsilbing resource speaker dito sina Institutional Development Section (IDS) Agriculturist I Rico Mangubat, Regional Crop Protection Center (RCPC) Chief Christy Sagun, Integrated Laboratory Division (ILD) Chief Dr. Nanette Rosales, at Agriculturist II Jonathan Zamora ng Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC).

Tinalakay ng mga ito ang iba’t ibang kaalaman at mga paraan sa pagtatanim ng calamansi. Kabilang na dito ang mga hakbang sa paghahanda ng taniman, paglalagay ng angkop na pataba, pagkontrol at pamamahala ng mga sakit at peste na maaaring dumapo sa kanilang mga pananim lalo’t higit sa kalamansi, pag-aani at iba pa. Bukod dito, itinuro rin sa miyembro ng samahan ang Orchard Management and Plant Propagation na makakatulong sa mga nais nilang itanim na fruit-bearing trees.

Hinikayat din ng DA-MIMAROPA ang samahan na kumuha ng DA Civil Society Organization Accreditation upang makatanggap sila ng iba’t ibang interbensyon sa kagawaran para sa higit na pagpapaunlad ng kanilang asosasyon. Tiniyak naman ng kawani ng DA na nakaagapay at handa silang tumulong sa nasabing grupo upang ma-iproseso at makakuha sila ng akreditasyon.

Siniguro rin ng mga ito na ilalapit nila sa Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang hinaing ng mga ito na maibenta sa merkado at magkaroon ng lugar kung saan maaari nilang i-market ang kanilang inaaning gulay lalong lalo na ang kalamansi.

“Nagpapasalamat po ako sa DA region sa pag-conduct at pagpili sa atin bilang beneficiaries kung kaya’t mayroon po tayong training ngayon tungkol sa calamansi production technology. Mapalad po ang asosasyon ng SJDBFA na mapagkakalooban ng pananim na calamansi sapagkat ito po ay matibay sa bagyo,” pagbabahagi ni Agricultural Technologist Cris Jun Muhi ng MAO Pola.

Samantala, matapos ang pagsasanay, inaasahan na makakatanggap din ang mga miyembro ng samahan ng budded calamansi mula sa DA – MIMAROPA HVCDP.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.