Nagsagawa ang Department of Agriculture (DA) – Central Office ng Field Validation and Needs Assessment sa mga samahan ng mangingisda sa bayan ng Pola, Bongabong, Pinamalayan at Naujan kasama ang DA MIMAROPA Regional Disaster Risk Reduction Management (RDRRM) staff bilang bahagi ng ibibigay na interbensyon ng DA sa mga mangingisda na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Pinangunahan ni Supervising Agriculturist Lorna Belinda L. Calda, Assistant Chief ng Field Programs Operational Planning Division, ang naturang assessment kasama ang kaniyang mga staff at miyembro DA-MIMAROPA RDRRM sa pangunguna ni Oriental Mindoro Rice Provincial Coordinator Maria Teresa Carido, Agricultural Program Coordinating Office (APCO) Staff Lady Darlene Caraos, at mga kinatawan mula sa Provincial Agriculturist’ Office (PAGO), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Municipal Agriculture Office (MAO).
Tinungo ng mga ito ang mga fisherfolk association ng mga barangay sa mga nasabing munisipalidad na lubos na naapektuhan ng oil spill at kinumusta ang kalagayan ng mga mangingisda. Ibinahagi ng mga mangingisda ang kanilang naging karanasan noong panahon ng oil spill na kung saan natigil ang kanilang pangingisda ng ilang buwan. Anila, upang magkaroon sila ng pagkakakitaan, nakiisa sila sa mga cash for work ng pamahalaan, at umaasa sa ayudang ibinigay ng Local Government Unit para may kainin sila sa araw-araw.
Bagama’t nakakapangisda na muli ang mga ito dahil inalis na ang fishing ban, tiniyak naman ng DA na nakahanda ang kagawaran na magbigay ng interbensyon sa mga ito upang magkaroon pa ng karagdagang pagkakakitaan ang kanilang samahan kung sakaling hindi sila makapalaot upang mangisda.
Iba’t ibang fishing gears at paraphernalias tulad ng bagong set ng gillnet o lambat, hook and line o kawil, at payao, livestock farming (fingerlings, chicken, swine at goat raising), communal gardening, kagamitan sa pagtatanim, at butong pananim na gulay ang ilan sa napagkasunduan at posibleng ipagkaloob ng DA – Central Office sa mga samahan at mangingisda na kwalipikadong benepisyaryo ng programa. Hinihintay na lamang na aprubahan ang proposal ng programa upang masimulan na ang pamahahagi ng mga nasabing interbensyon sa mga mangingisda.
Samantala, bukod sa mga kagamitang pangisda at livelihood na nais ng mga mangingisda, nalaman din sa isinagawang validation ang posibleng supplier ng mga alagang hayop at manok sa loob ng Oriental Mindoro at mula sa 160 na fisherfolks, tumaas ng 58% o 274 ang mga mangingisda sa Barangay Labasan, Bongabong ang rehistrado sa Fisherfolk Registration System o FishR ng BFAR gayundin ang madalas na pag-update sa Registry System for Basic Sectors In Agriculture (RSBSA) para matugunan ang mga pamantayang itinakda sa mga interbensyong ibinibigay.