OCCIDENTAL MINDORO, ika-22 ng Disyembre, 2022 – Sumailalim sa pagsasanay sa marketing and organizational management ang labing siyam (17) na mangagawa ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program bilang paghahanda sa pangalawang yugto o phase 2 ng programa sa rehiyon.
Naglalayon ang pagsasanay na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga manggagawa, lalo na ang mga Area Coordinator (AC) upang mas matulungan ang mga samahan ng mga magsasaka o Farmers Cooperative and Associations (FCA) na magkarooon ng mas matibay na koneksyon sa mga mangangalakal at mamimili.
Binigyang-diin ni Engr. Elmer T. Ferry, SAAD MiMaRoPa focal person ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kaalaman sa pamamalakad at kakayahang mamuno sa tagumpay ng programa sa rehiyon.
"Mahalagang ma-develop ninyo ang [inyong] leadership skills...and knowledge management...dahil nagdadala tayo ng mga tao tungo sa kaunlaran. We have to be able to lead them," ani Engr. Ferry.
Pinangunahan ni G. Rustom Gonzaga, DA MiMaRoPa Agriculturist II, ang talakayan sa mga estratehiya sa pangangalakal gaya ng Small Brother Big Brother arrangement ng DA-Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) – isang estratehiya kung saan itinutulay ang mga maliliit na samahan ng mga magsasaka sa isang malaking kumpanya upang masiguro ang benta ng mga magsasaka.
Itinuro naman ni G. Ruben Pagarigan, DA-AMAD Market Specialist II ang basic bookkeeping, o ang akmang pagtatala ng mga gastusin at kinikita ng isang samahan. Bukod dito, ipinaliwanag din sa pagsasanay ang mga tungkulin ng mga manggagawa ng SAAD para sa pangalawang yugto ng programa sa 2023 upang mas maging handa sa pagpapatupad ng programa sa mas maraming probinsya.
Kinilala ni G. Eddie D. Buen, OIC-Agriculture Program Coordinating Officer, ang positibong epekto ng SAAD Program sa Occidental Mindoro.
"Malaki ang impact ng SAAD [sa Occidental Mindoro]. Sa mga remote areas, sinasabi nila na [nararamdaman] nila ang tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng SAAD Program," bahagi ni G. Buen.
Tinitiyak ng SAAD Program na maihahatid ng wasto ang mga angkop na proyektong pang agrikultura sa mga benepisyaryo nito at patuloy silang matulungan sa pamamahala ng proyekto sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pagsasanay para sa mga manggagawa ng programa.