Kasalukuyang namimigay ng libreng hybrid na binhi ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon ng MIMAROPA sa probinsiya ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, at Palawan na siyang may mga malalaking produksiyon ng bigas. Ito ay sa ilalim ng High-Yielding Technology Adoption (HYTA) Program na pinapangasiwaan ng Rice Program.
Ayon kay Ronald Degala, Regional Coordinator ng HYTA Program, mayroong 72,998 na sako (na may bigat na 15kg/sako) ang alokasyon sa tatlong (3) probinsiya para sa wet season. Dagdag niya, 90% na ang naipamahagi sa mga magsasaka ngayong papalapit ng matapos ang buwan ng Mayo. Kasabay din nito ang pamimigay ng certified seeds kung saan may kabuuang alokasyon na 16,500 na sako ang Kagawaran para sa nasabing panahon ng taniman.
Nakakatanggap ang magsasakang pumila ng isa hanggang tatlong (1-3) sakong hybrid seed depende sa lawak ng kanyang taniman. Ang libreng binhi ay bukas sa nais magtanim nito at rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Sinimulan ang pamimigay ng binhi nitong Abril sa tatlong malalaking probinsiya sa rehiyon at ang susunod na bigayan naman ay sa darating Setyembre para naman sa paghahanda sa taniman sa tag-init.
Nilalayon ng programang ito na abutin ang 7MT na ani kada hektarya upang manatiling sapat ang suplay ng bigas ng bansa sa merkado.
Nirerekomenda naman ng programa na gumamit ng tamang dami ng abono sa gabay ng Rice Crop Manager (RCM) upang masigurado na maging malago at maganda ang tubo ng palay nito. Ang RCM ay isang computer at mobile application na nagbibigay gabay sa tamang aplikasyon ng abono at pestisidyo sa mga tanim na palay.
Katuwang naman sa pamamahagi ang bawat Municipal Agriculture Office na siyang umaalalay sa mga magsasaka sa pagtatanim nito.