News and Events

Mga magmamais ng SAAD Program sa Romblon, natuto ng best practices mula sa mga matagumpay na maisan
Aktibong nakilahok ang tatlumpu’t pitong (37) magmamais ng Department of Agriculture - Special Area for Agricultural Development ((SAAD) Program sa lalawigan ng Romblon sa naging palitan ng mga kaalaman kasabay ng kanilang naging pagbisita sa mga matagumpay na maisan sa mga bayan ng Odiongan at San Andres, Romblon, Enero 28.

Mga magmamais ng SAAD Program sa Romblon, natuto ng best practices mula sa mga matagumpay na maisan

Tatlumpu't pitong (37) magsasaka ng mais sa ilalim Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2 ang bumisita sa mga matagumpay na maisan sa Odiongan at San Andres, Romblon, ika-28 ng Enero. Inorganisa ang aktibidad ng DA-SAAD MIMAROPA at ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) - Romblon. Layunin nito na tulungan ang mga lokal na magsasaka na matuto ng mga makabagong pamamaraan ng pagtatanim ng mais sa pamamagitan ng obserbasyon sa mga maisan at pagpapalitan ng kaalaman.

Nakiisa sa naturang pagbisita ang mga kasapi ng Bonlao Corn Growers Association, Calagonsao Corn Growers Association, Suong Farmers Association, at Camili Corn Growers Association mula sa Alcantara. Kasaman naman nila ang mga kinatawan ng Hinag-Oman Lowland and Upland Integrated Farmers Association, Hinag-Oman Corn, Cassava and Vegetable Growers Association, at Claro M. Recto Corn and Cassava Farmers Association mula sa bayan ng Ferrol.

Limang (5) maisan sa San Andres at Odiongan ang kanilang pinuntahan upang tingnan ang iba’t ibang teknik sa produksyon ng mais.

Sa Brgy. Tan-agan, San Andres, natutunan nila sa taniman ni Engr. Dominic Cabral ang mga epektibong pamamaraan sa pagtatanim, pag-aabono, at mga estratehiya na angkop sa panahon. Ipinakita naman ng mga manggagawa sa Lanuton Agricultural Farm sa Brgy. Matutuna kung paano nakabangon ang kanilang taniman mula sa pananalasa ng bagyo. Sa parehong barangay ay nalaman nila ang benepisyo ng zero tilling method o pagtatanim nang hindi binubungkal ang lupa.

Samantala, tinalakay naman nina G. Robert Familara, G. Emilio Maestro, at dating Kagawad Arthuro Dreza sa pagdating ng grupo sa Brgy. Progreso-Este, Odiongan, ang paggamit ng mga makabagong pamamaraan at makinarya sa pagtatanim.

Natutunan rin ng mga magsasaka sa kanilang naging pagbisita ang kahalagahan ng pagtatanim at pag-aani ng mais sa angkop na panahon. Inirekomenda sa kanila na magtanim ng Oktubre at maghintay ng 105 araw bago mag-ani para sa mas magandang kalidad ng mais. Binigyang diin rin ng mga namamahala ng mga maisan ang  importansya ng paglalagay ng tamang distansya (70 sentimetro sa pagitan ng mga tudling at 20 sentimetro sa pagitan ng mga tanim), aplikasyon ng pataba at mga estratehiya sa pagkontrol ng damo at peste.

Tiniyak naman ni Engr. Wally Boy Falcutila, Provincial Corn Coordinator, na mayroong siguradong mamimili ng yellow corn sa Romblon at hinikayat niya ang mga magsasaka na pataasin ang  kanilang produksyon upang matugunan ang  tumataas na pangangailangan sa nabanggit na produkto.

Sa huli, nagpahayag ng pasasalamat ang mga partisipante sa mga karagdagang kaalaman na kanilang natutunan at ibinahagi ang hangarin na gamitin ang mga ito sa taniman ng kani-kanilang samahan.

“Nadagdagan ‘yong mga experience namin sa pagtatanim, kung anong mga ginagamit sa mga pang-uod o sa pang-damo, abono, [at] kung ilang araw sa buwan [ang paglalagay] para alam na namin,” mensahe ni  Arnel Faclarin, miyembro ng C.M. Recto Corn, Cassava and Vegetable Farmers Association,

Pinangunahan ni Engr. Falcutila, kasama ang mga kawani ng DA-SAAD MIMAROPA na sina Reymond S. Ilao, Information Officer II, at Engr. Cleo T. Begaso, Administrative Assistant V, ang pagdaraos ng aktibidad. Dumalo rin dito sina Bony Faina, Provincial Rice Coordinator; Fe Gadon, Municipal Agriculturist ng San Andres; Engr. Realyn Castillon, Municipal Agriculture Officer ng Ferrol; Rufy Alvar, Municipal Corn Coordinator ng San Andres; Engr. Joel Fadero mula sa Municipal Agriculture Office - Odiongan; at Engr. Reymart Diaz, kawani ng MAO Alcantara. 

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.