Bilang bahagi ng pagsasakatuparan ng layunin ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program na tulungan ang mga asosasyong benepisyaryo nito tungo sa pagiging community-based enterprise (CBE) sa ilalim ng Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED) component ng programa, inilunsad na rin sa MIMAROPA ng SAAD National Program Management Office (NPMO) MAED Sub-Unit ang MAED guidelines, na siyang magsisilbing patnubay sa pag-akay sa mga asosasyon tungo sa pagiging CBE.
Kaugnay nito, sumailalim sa MAED workshop ang mga kawani ng DA-SAAD MIMAROPA sa pamumuno ni Regional Lead Marissa D. Vargas, na idinaos sa Odiongan, Romblon, ika-5 hanggang ika-9 ng Pebrero.
Pinangunahan ang nasabing gawain ni SAAD NPMO MAED Sub-Unit Head Ashley Mae Apigo kasama sina SAAD MIMAROPA Coordinator Engr. Jonalyn Racelis, at IT and Database Development (IDD) Unit Head Randy Ocampo. Tampok sa gawain ang pagtalakay at pagtuturo ng mga nilalaman ng MAED guidelines sa mga kawani ng SAAD MIMAROPA.
Bilang ikatlong bahagi ng programa, nakatuon ang MAED sa mga gawaing may kaugnayan sa merkado, na naglalayong palakasin ang mga proyekto sa ilalim ng SAAD Phase 2 at i-angat ang mga ito tungo sa pagiging community-based enterprise o CBE. Kaugnay nito, bumuo ang SAAD ng pangkalahatang pamantayan upang tiyakin ang maayos na transisyon ng mga benepisyaryo patungo sa pagiging agripreneur.
Sa kaniyang mensahe, binigyang diin ni SAAD MIMAROPA Regional Lead Marissa Vargas ang kahalagahan ng epektibong implementasyon ng MAED, bilang gabay upang maging CBE ang mga samahang tinutulungan ng SAAD.
“Mahalaga itong ginagawa natin para iisa ang ating guide para matulungan ang ating mga associations na maging CBE. Kailangan rin na i-counter check ng ating MAED Lead sa MIMAROPA ang mga data na ating makukuha sa mga magsasaka dahil makakaapekto ito sa profitability assessment ng ating mga asosasyon at dapat macheck natin kung talagang kumikita itong ating mga FCAs sa mga intervention na ating naprovide sa kanila,” aniya.
Sinundan ang pagtalakay ng MAED guidelines ng pakikipanayam at pagkuha ng datos hinggil sa produksyon at pagbebenta ng gulay ng Camili Vegetable Growers Association sa Brgy. Camili, bayan ng Alcantara, na siyang napiling pilot association sa rehiyon.
Sa kooperasyon naman ng lokal na pamahalaan ng Alcantara sa pamumuno ni Mayor Riza G. Pamorada at sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO) na pinangungunahan ni Municipal Agriculturist Alex John R. Galicia, aktwal na tinukoy at kinapanayam ang mga kasalukuyan at potensyal na pamilihan o merkado na maaaring pagdalhan ng mga aning gulay ng Camili VGA. Sinundan ito ng pagproseso ng mga datos at impormasyong nakalap ng grupo gamit ang mga template na nakapaloob rin sa MAED guidelines. Inilatag rin sa mapa (market map) ang lokasyon ng mga tindahan na pinagdadalhan at maaari pang pagdalhan ng mga produkto ng samahan, distansya nito mula sa taniman ng asosasyon, ganon rin ang paraan at gastos sa transportasyon. Layunin nito na makalap at masusing pag-aralan ang mga salik na kinakailangan sa pagtataya ng gastos sa produksyon, kalagayan ng merkado at posibleng kitain ng samahan sa loob ng ilang taon.
Samantala, maliban sa mga kawani ng SAAD NPMO at R/PPMSO, nakiisa rin sa ilang araw na gawain ang mga kawani ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) MIMAROPA na sina G. Rustom Gonzaga at G. Marnell Pascual, na nagbigay ng mga karagdagang suhestiyon sa pagpapabuti ng aspeto ng marketing ng mga samahan ganon rin si Romblon Agricultural Program Coordinating Officer Engr. Annaliza A. Escarilla.