Taong 2019 nang maging benepisyaryo ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 1 ang Sitio Hinugasan Cassava Planters Association (SHCPA), isang samahan ng mga katutubong Mangyan na naninirahan sa Sitio Hinugasan, Brgy. Harrison, Paluan, Occidental Mindoro.
Bago dumating ang SAAD Program, pangunahing ikinabubuhay ng samahan, na binubuo ng 58 miyembro at karamihan ay mula sa tribong Iraya, ang pagtatanim ng balinghoy, saging, palay, at ube. Dahil sa malayong distansya ng kanilang lugar sa kabayanan at sa kakulangan ng kapital, hindi sapat ang kinikita ng mga magsasaka upang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.
Sa suporta ng lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO), naabot ng SAAD Phase 1 ang SHCPA. Tumanggap sila ng mga interbensyon sa ilalim ng Cassava Production Project na kinabibilangan ng 62,400 piraso ng pananim na balinghoy, mga kagamitan sa pag proseso nito, konkretong bilaran, at Shallow Tube Well (STW). Pinaghatian ng mga miyembro ang mga pananim at pinalago sa kani-kanilang sakahan na may pinagsama-samang lawak na 153 ektarya.
Mula sa pagtatanim, umaabot ng walo (8) hanggang siyam (9) na buwan bago anihin ang mga balinghoy. Karaniwang nagtatanim ang mga kasapi ng HSCPA tuwing buwan ng Hunyo at inaani naman ang mga ito pagsapit ng Pebrero ng sunod na taon. Pagkatapos anihin, ginagayat nila ang mga balinghoy at pinatutuyo sa ilalim ng init ng araw sa loob ng tatlo (3) hanggang limang (5) araw.
Maliban sa mga interbensyon, tinulungan rin ng SAAD MIMAROPA ang samahan sa pagbebenta ng kanilang ani sa pamamagitan ng paghahanap ng assembler na bibili ng kanilang mga balinghoy.
Kita mula sa produksyon ng balinghoy
Taong 2020 nang magsimulang magbenta ng mga gayat at pinatuyong balinghoy ang SHCPA sa halagang PhP 8-9 kada kilo. Mula ng nasabing taon hanggang sa kanilang pinakahuling ani nito lamang Pebrero, umabot na sa 77,738 kilo ang kanilang naibentang balinghoy na may kabuuang halaga naa PhP 662,974 (Table 1.)
Table 1. Pinagsamang kita ng SHCPA sa produksyon ng balinghoy mula 2020 hanggang 2024
Taon |
Naibentang ginayat at pinatuyong balinghoy (kilo) |
Halaga ng Pinagbentahan (Php) |
2020 |
1,235 |
9,880.00 |
2021 |
11,327 |
92,938.00 |
2022 |
18,856 |
160,276.00 |
2023 |
17,009 |
136,081.00 |
2024 |
29,311 |
263,799.00 |
Kabuuan |
77,738 |
662,974.00 |
Kasabay ng pagtatapos ng SAAD Phase 1, na nangangahulugan ng pagtatapos rin ng pagtanggap nila ng interbensyon mula sa programa, natutunan ng samahan na maglaan ng pondo mula sa bawat ani bilang panggastos sa kanilang susunod na taniman. Nagkasundo rin ang mga miyembro na magbalik ng isang sakong balinghoy o ng katumbas nitong halaga sa kanilang asosasyon, na ilalaan naman sa mga gastusin matapos ang anihan tulad ng gasolina, bayad sa paghahakot ng mga sako-sakong balinghoy mula sa kabundukan hanggang sa kalsada, pagkain, at iba pa.
Ibinahagi ni G. Orly “Alex” Reyes, pangulo ng SHCPA, na nakatulong ng malaki ang SAAD Program sa pag-angat ng kanilang kabuhayan. Dahil dito, mas determinado na aniya silang palaguin pa at panatilihin ang pagtatanim ng balinghoy.
“Masaya po kami dahil patuloy na tumataas ang aming kita. Dahil sa inyo, may regular nang bumibili ng aming mga balinghoy, kahit mahirap ang pinagdaanan namin lalo sa paghakot ng mga sako mula sa bundok hanggang sa ibabaw ng kalsada, masaya kami kasi may kita. Mas pag-iigihan pa namin ang pagtatanim lalo na kung magkakaroon kami ng maayos na daan,” ani G. Reyes.
Dagdag pa niya, dahil rin sa programa, hindi na sila gaanong nag-aalala sa pang-araw-araw na gastusin lalo na sa mga panahong naghihintay sila na makapagtanim muli ng balinghoy.
Matapos ang implementasyon ng SAAD Phase 1, inilipat na ng SAAD MIMMAROPA ang paggabay sa mga asosasyong tinutulungan nito sa Occidental Mindoro, kabilang na ang SHCPA, sa mga lokal na pamahalaan na nakakasakop sa kanila. Sa kabila nito, pinagpapatuloy ng SCHPA ang pakikipag-ugnayan sa SAAD MIMAROPA, at nagpapaabot ng kanilang pasasalamat sa malaking tulong ng programa sa pag-angat ng kanilang pamumuhay.
Samantala, umaasa naman ang samahan na may iba pang programa ng pamahalaan na makatutugon sa kanilang mga pangangailangan kabilang na ang pagkakaroon ng maayos na kalsada upang makapasok ang mga sasakyan sa kanilang lugar, ganoon rin ang pagkakaroon ng sarili nilang sasakyan na magagamit nila sa pagdadala ng kanilang mga ani sa mga mamimili para sa mas magandang presyo ng kanilang mga balinghoy.