Nagpahayag ng taos pusong pasasalamat ang mga katutubong magsasaka na benepisyaryo ng Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) MIMAROPA dahil sa malaking naitulong anila ng programa sa pag-unlad ng kanilang mga kaalaman at pamamaraan sa pagsasaka.
Sa ginanap na pakikipagpulong ng mga kawani ng Climate Resilient Agriculture Office (CRAO) ng Department of Agriculture (DA) na sina Michael Barbosa, Project Development Officer III at Sofia Tabor, Project Assistant kasama ang buong grupo ng AMIA MIMAROPA sa pangunguna ni Regional Focal Person Randy Pernia kamakailan, ipinaabot ng mga katutubong magsasaka sa mga bayan ng Pola, Mansalay, at Bulalacao, Oriental Mindoro ang kanilang pasasalamat sa programa at ang kahilingan na maipagpatuloy ito upang mas marami pang mga katutubong magsasaka ang maturuan ng mga makabagong kaalaman sa pagsasaka.
Nakatuon ang AMIA project sa pagbibigay ng mga interbensiyon na makatutulong sa mga magsasaka upang magkaroon ng tuloy-tuloy na kabuhayan habang tinuturuan sila ng iba’t ibang pamamaraan sa pagharap at pamamahala ng mga climate risks gamit ang Climate Resilient Agriculture (CRA) approach. Pinangangasiwaan ang implementasyon nito sa MIMAROPA ng mga kawani ng Research Division ng DA MIMAROPA katuwang ang mga Municipal Agriculture Office (MAO).
Ayon kay Taddy Sagangsang, kasapi ng San Juan San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA) sa Bulalacao, malaking tulong ang mga kaalamang nakukuha nila dahil sa AMIA kaya naman lalo silang nagiging pursigido sa pagpapaunlad ng kanilang mga taniman.
“Sa turo ng AMIA ay unti-unting may pagbabago ang aming kabuhayan kaya dagdagan pa natin ang ating sipag at tiyaga. Ito ang makakatulong (sa atin), nandito ‘yong kaalaman, binibigay na sa atin lahat kaya sabi ko maganda ang nag-isip nitong AMIA. Ito talaga ang kailangan namin, malaking tulong sa lahat at kung puwede ay dagdagan pa dahil kulang ang dalawang (2) taon,” aniya.
“Malaking bagay ang AMIA, ito ay parang hamon sa atin at bigay ng Panginoon sa atin para mamulat ang kaisipan natin at lalo pang madagdagan ang “karabanan sa pangabuhi” (bayanihan sa kabuhayan) dahil tayo ay makakahingi (ng tulong). Ito ay malaking bagay sa atin na tayo ay natutulungan at maragdagan pa ang ating mga kaalaman,” saad naman ni Orpus Bat-ang, Pangulo ng Karabanan sa Pangabuhi Farmers Association sa Mansalay.
“Napakaraming dinala nila sa atin, napakarami nating natutunan. Karamihan ay nakakabenta na sa baba ng aming produktong gulay, binigyan pa kami ng mga kagamitan gaya ng water pump na malaking tulog kapag tag –init kaya malaking pasalamat talaga kami,” pahayag naman ni Marivic Ugduhan, kasapi rin ng SJSRLFA.
Samantala, maliban naman sa mga magandang naitulong ng AMIA project sa kanilang kabuhayan, ipinaabot rin ng mga katutubo ang kanilang mga kailangan pang tulong dahil isa sa layunin ng pagbisita ng CRAO sa mga benepisyaryo ng AMIA sa lalawigan ang mabatid mula mismo sa mga magsasaka ang mga pangangailangan pa nila at mailinya ang mga ito sa mga gagawing pagpaplano ukol sa higit pang pagpapaganda ng proyekto. Kabilang sa mga hiniling ng mga magsasaka ang mga kalabaw, makinaryang angkop sa sakahan sa kabundukan, ayuda sa transportasyon ng mga produkto, tulong sa patubig, karagdagang puhunan, at merkado o iyong mapagbebentahan pa nila ng kanilang mga ani.
Maliban sa SJSRLFA at Karabanan sa Pangabuhi FA, benepisyaryo na rin ng AMIA Project sa Oriental Mindoro ang Mangyan Tribong Tadyawan ng Misong Farmers Association, Samahang Masisipag ng Mangyan Tadyawan ng Sta. Rita, Samahang Mangyan Calatagan Tadyawan FA, at Nagkakaisang Samahan ng Mangyan Tadyawan Bakyaan FA, pawang matatagpuan sa bayan ng Pola.
Karagdagang kaalaman sa tulong ng UPLBFI
Kasalukuyang sinasagawa ng research team mula sa University of the Philippines Los Baños Foundation Incorporated (UPLBFI) na pinamumunuan ni Dr. Genaro San Valentin ang kanilang research project na Developing Technological and Science-Based Solutions for Strengthening AMIA Villages sa Brgy. Benli, Bulalacao katuwang ang AMIA MIMAROPA at Municipal Agriculture Office (MAO) ng nasabing bayan.
Ayon kay Dr. San Valentin, nakatuon ang kanilang pananaliksik sa pagresolba sa problema ng kakulangan sa tubig ng mga magsasaka dito lalo na kung panahon ng tag-init. Layunin aniya nila na magkaroon ang mga magsasaka ng kaalaman na magbibigay ng tatag na loob na patuloy na mag-aral, maisagawa ang kanilang mga natutunan at mabilis na makagawa ng hakbang ayon sa kanilang pangangailangan.
“Ang problema dito ay iyong drought dahil mababa ang patak ng ulan, ang aming ginagawa ay para ipaalam sa kanila na may teknolohiya na makatutugon sa mga problemang iyan. Ang pagtatag ng kanilang kalooban o resiliency at pagbilis ng kanilang response ay kailangan ng kaalaman. Nais naming iparating sa kanila na may mga teknolohiya at hindi sila masisiraan ng loob at magagampanan nila iyong pangangailangan nila,” paliwanag ni Dr. San Valentin.
Kamakailan ay nagsagawa ng field day sa lugar kung saan isa-isang tinalakay ang paggamit ng Soil Test Kit (STK) upang masuri ang estado ng kalusugan ng lupang taniman at malaman ang tamang rekomendasyon sa uri at dami ng abono na maaaring gamitin upang maging malusog ang lupa; improvised rain gauge upang sukatin ang ulan at sapat na tubig sa lupa para sa pananim; evaporation meter upang sukatin ang dami ng tubig na nawawala sa lupa; gymsum block upang malaman kung gaano katuyo ang lupa; mulching technique upang maiwasan ang labis na paghihiwa-hiwalay ng lupa at pagdaloy pababa kasama ng tubig; at drip irrigation o ang dahan-dahang pagpapatubig sa mga halaman upang makatipid sa tubig. Ibinahagi rin ng mga farmer cooperators gaya nina Dario Lantoy at Marivic Ugduhan ang kanilang mga natutunan mula sa paggamit ng mga teknolohiyang ito.
“Bilang farmer, dahil alam na natin yong lugar, yong panahon, alam na rin natin ang itatanim. Pahalagahan natin iyong binibigay nilang kaalaman sa atin at iyong meron tayo,” ani Dario Lantoy.
“Napakarami po nilang dinala sa atin na noon ay hindi natin narinig, sa akin napakarami kong natutunan dito. Gamitin po natin ang mga kagamitan na binigay at tinuro sa atin para mas maging aktibo tayo,” saad naman ni Marivic Ugduhan.
Magkatuwang na nagbigay ng kaalaman sa mga magsasaka sa naganap na field day ang mga researchers ng UPLBFI at ng Research Division ng DA MIMAROPA. Samantala, nakatakdang matapos ang nasabing research project sa darating na Disyembre ngunit ayon kay Dr. San Valentin ay nakatakda silang humiling ng karagdagang (6) na buwan para ipagpatuloy ito.