Kumikita na ang mga katutubong benepisyaryo ng Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) Project ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Oriental Mindoro. Taong 2020 nang magsimula ang proyekto sa pagtatayo ng AMIA Village sa bayan ng Bulalacao na binubuo 100 na mga katutubong magsasaka na kasapi ng San Juan San Roque Livelihood Farmers Association (SJSRLFA).
Layunin ng AMIA Project na tulungan ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa bansa na magkaroon ng mga kabuhayan at komunidad na matatag sa klima gamit ang Climate Resilient Agri – Fisheries Approach (CRA) na nakatuon sa pagharap at pamamahala ng iba’t ibang climate risks kasabay ng pagsusulong ng sustainable livelihood.
Kabilang sa mga interbensiyong ibinaba sa SJSRLFA ang mga pagsasanay sa native animal production, vegetable production, at sloping land agricultural technology kasunod ang pamamahagi ng iba’t ibang inputs gaya ng mga pananim, pataba, farm tools, at mga makinarya na umaabot sa P4.5 milyon ang kabuuang halaga.
Isa sa mga benepisyaryo ang magsasakang si Marivic Ugduhan ng Sitio Lagit, Brgy. Benli, Bulalacao na mula nang magsimulang mag-ani ng mga talong ay kumita na ng P7,000.00. May mga aanihin pa siyang kamatis, pechay, repolyo, at sibuyas na pawang maganda ang naging paglaki dahil sa magandang lokasyon ng kaniyang taniman.
“Malaki po ang naitulong ng AMIA sa amin tulad po ng pagbibigay ng libreng binhi ng gulay at baboy. Nakapagharvest na po kami at malaki na ang kinita at nakaipon na po kami ng pambili ng gagamitin ulit sa aming gulayan. Maraming salamat po sa DA at AMIA at sana patuloy nila kaming tulungan,” pahayag niya.
Nakapagbenta na rin ng kanilang aning gulay sina Pastor Hekoy Epper ng Sitio Sta. Rosa at Inggay Antao ng Sitio Tambangan, kapwa nasasakupan ng Brgy. San Jose.
“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon dahil una, ang DA ay malaki ang naitulong sa amin. Malaking tulong po para sa aming mga katutubo na magkaroon ng ganitong kabuhayan kaya laking tuwa po ng aking pamilya at iba pang kasama,” ani Pastor Epper.
“Malaking pasasalamat namin dahil kami po ay natuto, tinuruan kami ng pagtatanim, kung hindi kami tinuruan ay siguradong wala kaming ganito. Malaking dagdag po sa aming mga magsasaka lalo na ‘yong iba ay gumagaya din sa amin dahil natutuwa sila dahil marami kaming tanim, may binebenta na at may inuulam pa,” pasasalamat naman ni Inggay Antao.
Ikinatuwa naman ng mga kawani ng DA MiMaRoPa na naatasan sa implementasyon ng AMIA Project ang resulta ng proyekto. Ayon kay Science Research Specialist II Janeene Carpio, mula sa kakulangan sa kaalaman sa agrikultura noon ay nakakapagbahagi pa ng kanilang mga natutunan ngayon ang mga benepisyaryo.
Aniya, “Established na ang AMIA Village dito sa Bulalacao dahil nakikita namin na kaya na nila. Dati may lack of knowledge pa sila into farming, pero ngayon ay tinuturuan na nila iyong mga kapwa nila farmer na hindi kasama sa programa, naipapasa na nila ang kanilang mga natutunan”.
Pinasalamatan rin niya ang mga farmer cooperators dahil sa ipinakitang pakikiisa at pagtutulungan ng mga ito. Inaasahan aniyang patuloy nilang magamit ang lahat ng kanilang natutunan sa AMIA para sa tuloy-tuloy na produksiyon at pag-unlad bilang magsasaka at indibidwal.
Samantala, umuusad na ang pagpapalawig ng AMIA Village sa Oriental Mindoro kung saan maliban sa Bulalacao at Mansalay, inaabot na rin ng proyekto ang bayan ng Pola sa unang distrito ng lalawigan. Sinimulan na ang implementasyon nito sa naturang munisipalidad ngayong taon kung saan 100 magsasaka ang target na maging bahagi ng programa.