ROXAS, PALAWAN. Nakatanggap ang mga katutubong Batak na biktima ng nagdaang bagyong Odette sa Roxas, Palawan ng mga tulong pang-agrikultura mula sa Rehabilitation Task Force ng DA Palawan Research Experiment Station.
Pinangunahan ang pamamahagi nina DA-PRES Agricultural Center Chief III, Librada L. Fuertes at Agricultural Program Coordinating Officer (APCO), Vicente A. Binasahan Jr.. Kasama rin sa aktibidad na ito ang mga tauhan ng Office of the Municipal Agriculturist sa pangunguna ni G. Alonzo Garcellano.
Unang pinuntahan ng team ang Sitio Tagnipa sa Barangay Tinitian, sumunod ang sitio Nanabu sa Barangay Caramay at ang panghuli ay ang Sitio Timbuan sa Barangay Abaroan. Ipinamahagi sa tatlong (3) nayon ng tribu ang anim (6) na sakong pantanim na mais lagkitan, 90 pakete ng iba’t ibang buto ng gulay tulad ng talong, ampalaya, sili at kangkong. Kasama ding ipinagkaloob ang 35 trays na may 3,640 na mga tubong panamin na gulay tulad ng talong, kamatis at sitaw. Upang masiguro na maging mataba ang lupang pagtatamnan at makaani ng sagana, binigyan din sila ng 51 sako ng organic compost mix soil. Mayroon ding ipinahaging 15 pirasong manok (free range chicken) na pararamihin sa komunidad.
Ang mga ito ay masayang tinanggap ng mga lider ng katutubo para maayos na maipamahagi sa kanilang mga nasasakupan. Sa kabuuan ay mayroong 168 na kabahayan (household) ang makakabenipisyo sa ipinamahaging ayuda.
Sa maikling programa sa bawat sitio ay nagbigay ng mensahe sina APCO Binasahan at Gng Fuertes.
“Nawa ang mga ayudang ito mula sa Kagawaran ng Agrikultura ay makatulong upang agarang malunasan ang kakulangan sa pagkain ng mga nasalanta ng bagyo lalo na sa lugar ng mga katutubo. Tuloy tuloy ang suporta ng Kagawaran upang matulungan ang Bayan ng Roxas at iba pang munisipyo na makabangon mula sa pagkawasak ng bagyong Odette,” mensahe ni APCO Binasahan.
Pagkatapos maituro kung paano ang tamang pagtatanim ng mga punlang gulay mula sa seedling trays ay sinabi ni Gng. Librada Fuertes na sa susunod na araw ay babalik muli ang team upang mkapagbigay ng pagsasanay ukol sa pagtatanim at paghahayupan na angkop sa kanilang lugar.
“Makikipag-ugnayan din kami ni APCO Binasahan sa ibang sangay ng ahensya ng Agrikultura at sa Lokal na Pamahalaan ng Roxas para makapagbigay ng feeding program sa mga bata. Sa mga susunod na buwan ay magbibigay din kami ng mga pangmatagalang pananim tulad ng kasoy, kalamansi, saging at iba pa. Sa ngayon mahalagang mapunan ang pangangailangan sa pagkain ng bawat pamilya kaya sa loob ng maikling panahon ay mayroon na kayong aning gulay na maipapandagdag sa pagkain ng pamilya at mula sa mga buto nito ay mkapagtatanim kayong muli para tuloy tuloy ang gulayan sa pamayanan,” kanyang sinabi.
Pinasalamatan naman ni G. Alonzo Garcellano, mula sa Office of the Municipal Agriculturist ang bumubuo ng Rehabililtation Task Force at ang mga lider ng Tribung Batak sa sama-samang pagkilos upang makabangon sa muli.