Tumanggap ng 32 packs ng binhi at mga seeding trays ang Odiongan Federation of Person with Disabilities (OFPWD) sa tulong ng Department of Agriculture MiMaRoPa at ng Municipal Social and Welfare Development Office (MSWDO) ng Bayan ng Odiongan, Romblon kamakailan.
Ang mga nasabing binhi ay kinapapalooban ng talong, pechay, mustard, kamatis, upland kangkong, siling panigang, hot pepper at bell pepper na kung saan ay itatanim ng mga lider ng apat (4) na cluster ng pederasyon at ilalagay sa mga seedling upang masiguro na mabubuhay ang mga nasabing tanim.
Matapos umusbong sa seedbed, agad itong ipapamahagi sa mga miyembro nito upang maitamin na sa kani-kanilang bakuran upang palakihin at anihin.
Ayon kay APCO Annaliza Escarilla, ang nasabing programa ay upang matulungan ang mga may kapansanan nating kababayan sa kabila ng pandemic. Sa kanilang pagtatanim, magkakaroon na din sila ng pagkaing ihahain sa lamesa. “Sila ay inilapit sa atin ng DSWD sa kadahilanang bagama’t may kapansanan sila ay kaya pa din naman nilang magtanim kaya naman ibinigay namin sa kanila yung mga seedlings”aniya.
Sa ganitong pamamaraan, masisiguro ng mga bawat ahensya (DA at DSWD) na mabubuhay ang mga binhing ipinamahagi nila sa mga kababayan nilang “physically challenged”.
Malaking pasasalamat ng grupong nakatanggap sa mga ahensyang tumulong sa kanila upang magkaroon ng mga pananim. Ayon kay G. Joey Balla, lider ng isang cluster sa OFPWD labis silang nagpapasalamat sa DA at DSWD sa pagtugon sa kanilang hiling na magkaroon ng binhi. Aniya, kanila itong pangangalagaan at palalaguin upang hindi na sila pumunta pa sa palengke para lamang mamili ng mga gulay.
Matapos ang paghahandog ng mga binhi, masayang nagsiuwi sa kanilang mga tahanan upang ihanda ang mga binhi na natanggap nila para itanim.