Isang pares ng baka at 40 native na manok ang ipinamahagi sa pangangasiwa ng Livestock Program ng Department of Agriculture MiMaRoPa kasabay ng pagtatapos ng pagdiriwang ng kauna – unahang Pambansang Buwan ng Paghahayupan (National Livestock and Poultry Month), ika-29 ng Oktubre sa mga bayan ng Victoria at Bansud, Oriental Mindoro.
Tinanggap ng magsasakang si Jun Pantalleon, kasapi ng Alcate Farmers Association ang isang pares ng Brahman cattle na pinalaki sa Regional Integrated Agriculture Research Center sa Brgy. Alcate, Victoria.
“Nagpapasalamat ako sa DA dahil sa project nilang ito na nagbibigay ng baka na aalagaan para dumami at makapagbahagi sa iba para may maalagaan din sila. Pagbubutihin namin ang pag-aalaga ng mga ito lalo pa at mula ito sa DA,” pasasalamat ni Pantalleon kasunod ng pagtanggap sa mga baka.
Samantala, sa malayo at bulubunduking barangay naman ng Malo sa bayan ng Bansud dinala ang 40 free-range native chickens mula pa rin sa RIARC na buong lugod na tinanggap ng Talugbungan Bangon (TALBA), isang samahan ng mga magsasaka mula sa Tribong Bangon. Ang nasabing samahan ay nabuo sa tulong ng mga kasundaluhan na nagsasagawa ng Community Support Program (CSP) sa nasabing lugar at sila rin ang naging daan upang makarating sa DA MiMaRoPa ang kahilingan ng mga katutubo na magkaroon ng mapagkukunan ng kabuhayan.
“Kami po ay nagbuo ng samahan ng mga katutubo para sa layunin na mailapit sila sa gobyerno at mabigyan ng anumang proyekto ang kanilang samahan. Nagpapasalamat po kami sa DA, nagkaroon sila ng pag-asa na hindi sila nalilimutan ng gobyerno at nabigyan sila ng pangkabuhayan na free-range native chicken,” pagbabahagi ni Sgt. Rodelio C. Nievares, Team Leader ng CSP Monitoring Mobile Team mula sa 76th Infantry Battalion, 2nd Infantry Division, Philippine Army.
“Iisa ang layunin ng DA at Armed Forces na tulungan ang ating mga kababayang katutubo,” dagdag pa ng opisyal.
Lubos naman ang pasasalamat ng mga kasapi ng TALBA sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Aynan Da-Oyan kasunod ang pangakong gagawin nila ang lahat upang maparami ang mga ito.
“Kami po ay nagpapasalamat sa DA, masayang-masaya po kami at aalagaan po naming mabuti ang mga manok na binigay sa aming asosasyon”, ani Da-Oyan.
Binigyang-diin naman ni Cristine Joy Capuyan, Agriculturist II at Provincial Coordinator ng Livestock Program sa Oriental Mindoro na ang mga nasabing manok ay pag-aari ng buong asosasyon at hindi ng mga indibidwal na mag-aalaga ng mga ito. Kinilala at pinasalamatan rin niya ang mga kasundaluhan sa kanilang pagsisikap na maging daan upang mailapit sa mga katutubo ang mga programa ng Kagawaran.
“Nakarating po sa aming tanggapan ang inyong pangangailangan sa pamamagitan ng Philippine Army at kami po ay nagpapasalamat sa kanilang pagkilos upang matugunan ng DA ang inyong kahilingan kasabay po ng pagdiriwang natin ng National Livestock and Poultry Month. Ang mga manok po na inyong natanggap ay pag-aari ng buong asosasyon kaya umaasa po kami na tulong-tulong po kayo sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga ito,” mensahe niya sa mga katutubo.
Samantala, sa ilalim ng temang “Paghahayupan, kabuhayang may ani at kita sa panahon ng pandemya”, layunin ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Paghahayupan na magbigay-pugay at magpakita ng pagpapahalaga sa lahat ng bumubuo at nagsusulong ng industriya ng paghahayupan sa bansa lalo na ngayong may pandemya.