OCCIDENTAL MINDORO – Nagsagawa ng Social Preparation Activity ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) para sa siyam (9) na asosasyon mula sa bayan ng Sta. Cruz at Abra de Ilogmula noong ika-17 hanggang ika-20 ng Agosto, 2021.
Ang social preparation ay isang gawain na naglalayong ihanda ang mga benepisyaryo ng programa sa pagtanggap ng mga ayuda o intervention na matatanggap nila mula sa SAAD upang matiyak ang paglago ng samahan at pag-unlad ng mga benepisyaryo.
Pinangunahan ni Gng. Marieta Alvis, Institutional Development Unit (IDU) Focal Person, ang gawain. Ipinaliwanag ni Gng. Alvis ang tungkulin ng bawat miyembro at opisyal ng samahan, tamang paghawak at pagpapaikot ng pondo ng grupo, at pagpapanatili ng mga ayuda o intervention na kanilang matatanggap.
Kinuha rin ng Commission on Population and Development (POPCOM) ang pagkakataon na isabay sa social preparation ang pagtuturo sa mga benepisyaryo ng SAAD ang kahalagahan at tamang pagpaplano ng pamilya at pagiging responsableng magulang. Layunin ng ahensya na mabawasan ang kaso ng teenage pregnancy at mapabuti ang kalusugan at nutrisyon ng bawat pamilya.
Ang unang araw ng social preparation ay ginanap sa Sitio Calomintao, Barangay Alacaac, Sta. Cruz na dinaluhan ng 70 magsasakang nagbabalinghoy na mga miyembro ng Bigkis Farmers Association (BFA) at Sagip-Saka Farmers Association (SSFA).
Sinundan naman ito ng tatlong araw na social preparation sa Abra de Ilog. Unang ginanap ang aktibidad kasama ang mga magsasaka ng Bungahan Farmers Association (BFA) na nakatuon sa pagtatanim ng mais at ang Mabunga Vegetable Farmers Association (MVFA) na nakatutok sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng gulay.
Sumunod na dumalo sa gawain ang mga nag-aalaga ng baboy na kabilang sa Cabacao Hog Raisers Farmers Association (CHRFA) at ng mga nagtatanim ng mais na kasapi ng Subukin Farmers Association (SFA).
Sa panghuling araw ng aktibidad dumalo ang Lumangbayan Integrated Goat Raisers Association (LIGRA) at Lumangbayan United Goat Raisers Association (LUGRA) na nakatuon sa pag-aalaga ng kambing, at ang Irayag SWISA Farmers Association (ISFA) na mga nagpoprodyus ng ube.
Sa kabuuan, 280 magsasaka ang nakibahagi sa nasabing aktibidad.
Sources: Maryleth Roxanne H. Gonzaga, SAAD Training Specialist I, Ian Von Yadao, SAAD Area Coordinator – Sta. Cruz, Wily Adrian E. Vergara, SAAD Area Coordinator – Abra de Ilog, Jhonzell Panganiban, SAAD Area Coordinator - Paluan
Responsible Parenthood and Family Planning (RPFP) https://popcom.gov.ph/responsible-parenthood-and-family-planning-rpfp/