Alinsunod sa programa ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pagkakaroon ng sapat na pagkain para sa bayan, ang mga Pamahalaang Lokal sa MIMAROPA ay patuloy pa ring nagsasagawa ng Gulayan sa Barangay sa ilalim ng High-Value Crops Development Program.
Ang Gulayan sa Barangay ay naglalayong itaguyod ang pagkakaroon ng gulayan sa bawat komunidad upang makapagbigay ng sapat, sariwa at masustansyang pagkain lalo na ngayong may pandemya. Kasama sa programang ito ang mga Barangay officials, Barangay Health Workers at mga Parent Leaders.
Ang 10 sites ng Gulayan sa Barangay sa probinsya ay napili base sa kapasidad at inisyatibo ng mga opisyal ng barangay na ipatupad ang programa, lugar na pagtataniman, at sapat na mapagkukunan ng tubig.
Isa ang bayan ng Mamburao sa patuloy na nagsasagawa ng Gulayan sa Barangay. Ayon kay Kapitan Benchito Umali ng Brgy. Tangkalan, napakahalaga ng pagkakaroon ng gulayan lalo na ngayong may pandemya dahil ito ang pangunahing isinusuporta nila sa bawat pamilya.
“Sa aming barangay, hindi na po namin problema ang mapagkukunan ng gulay sapagkat mayroon po kaming Gulayan sa Barangay na kung saan marami na rin po ang nakikinabang dito. Isang beses sa isang linggo ay nagdadala sa barangay (hall) ng mga aning pwedeng iuwe ninuman sa kanilang tahanan.
Ayon naman kay Kagawad Abner Apolinario, komite ng agrikultura ng Brgy. Tanyag sa bayan ng Calintaan, napakahalaga ng Gulayan sa Barangay sapagkat dito nagmumula ang mga ipinamimigay nilang pansuporta sa pang araw-araw na pagkain ng mga barangay na nasa ilalim ng lockdown at pagkain para sa mga frontliners sa kanilang lugar.
Dahil na rin sa Gulayan sa Barangay, nabibigyan ng mapagkikitaan ang mga walang trabaho. Ang kita ng barangay mula sa kanilang ani ay kanilang ibinabayad sa mga trabahador upang mag-alaga sa gulayan sapagkat minsan ay hindi na rin maasikaso ng ibang opisyal ng barangay ang gulayan dahil na rin sa dami ng gawain.
“Noong panahon ng tag-araw, wala po kaming makuhang tubig at lahat ng poso dito ay natuyuan kaya nagpahukay kami ng isa pang poso upang masuportahan ang aming pananim noong Abril. Tinawag namin ang mga walang trabaho dito upang maghukay at hanggang ngayon ay sila ang nangangalaga sa gulayan,” pagbabahagi ni Kgwd. Apolinario.
Maliban sa nakapagbibigay ng trabaho, isa rin kahalagahan ng pagkakaroon ng programang ito ay pagbuo ng bayanihan upang mapalago ang gulayang makapagbibigay ng masustansyang pagkain para sa lahat.
“Ako po ay nagpapasalamat sa program ng DA dahil sa pagkakaroon ng Gulayan sa Barangay, ang mga mamamayan po ng aming barangay ay hindi na po kailangang gumastos pa para sa pamasahe papuntang bayan dahil binabagsak po namin sa mga talipapa ang aming mga ani,” wika ni Kapitan Joseph G. Molleno ng Brgy. Kurtinganan sa Sta. Cruz.
Isa rin sa layunin ng Gulayan sa Barangay ay ang pagkakaroon ng seed bank na kung saan kailangan mag-imbak at magpreserba ng binhi mula sa kanilang ani. Ito ay ipinamimigay sa mga indibidwal na gusto ring magtanim upang maipagpatuloy pa rin ang naturang programa.
Maliban sa tatlong (3) munisipalidad, kabilang rin sa Gulayan sa Barangay ang Magsaysay, Sablayan, Rizal, Paluan, San Jose at Abra de Ilog.
Kabilang sa ipinamahagi ng Department of Agriculture - MIMAROPA HVCDP sa bawat Gulayan sa Barangay ay iba’t ibang klase ng binhing gulay gaya ng ampalaya, sitaw, kamatis, talong, okra at iba pa. Namigay rin ng kagamitan katulad ng plastic mulch, seedling tray, germination tray, wheel barrow, plastic drum, poly bags, garden hose, UV film, sprinkler, hand sprayer, hand cultivator, plastic trowel , pala, kalaykay at asarol.