Kasabay ng pagbubukas ng 1st Regional F2C2 (Farmer and Fisheries Clustering and Consolidation) Cluster Summit, nilagdaan ng Department of Agriculture – MIMAROPA at DAI Global LLC ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa implementasyon ng USAID – Funded Safe Water Project para sa lalawigan ng Palawan, ika-29 ng Agosto ng taong kasalukuyan.
Layunin ng naturang kasunduan na magkaroon ng maayos na ugnayan ang Safe Water at DA-MIMAROPA para sa pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad na sumusuporta sa sustainable livelihood ng mga mga magsasaka at makapagbigay ng sapat na suplay ng malinis at ligtas na tubig sa Puerto Princesa City at buong probinsya ng Palawan. Gayundin ang pataasin ang water supply sa mga water-stressed communities, paunlarin ang water resource management para sa pagpapanatili ng patuloy na suplay ng tubig, at paigtingin ang water sector governance.
Lumagda sa MOU sina DA – MIMAROPA Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting, Regional Technical Director for Operation/F2C2 Regional Focal Person Dr. Celso C. Olido, DAI Global LLC USAID Safe Water Chief of Party Alma D. Porciuncula at Mary June G. Calubag, Livelihoods and Partnership Coordinator ng nasabing kompanya.
“We are very grateful sa mga farmers na partners namin na sila mismo ang tumutulong sa amin sa forest protection, sa conservation at restoration. So again, maraming salamat po for entrusting to us this partnership, we look forward to have very fruitful collaboration with you,” saad ni Chief Porciuncula.
Sa naging mensahe naman ni RED Inting, ipinangako niya ang buong suporta sa proyekto na sumasalamin sa pangako ng kagawaran na gawing sustainable livelihood ang agrikultura at mapanatili ang ligtas na pagkain para sa lahat.
“Ngayon, bukod sa pagiging food-secured, ating simulan na pangarapin ang probinsya ng Palawan bilang water-secured habang pinapanatili ang kaayusan at pagpapayabong ng kalikasan. Thank you, and may we embrace the promise it holds and let us be more inspired to dedicate our service to more communities,” dagdag pa ng opisyal.
Samantala, ang Safe Water Project ng USAID ay nagbibigay sa lokal na pamahalaan, water service providers, at watershed council ng mga impormasyon, insentibo at partnership na kinakailangan upang matukoy at matugunan ang mga hadlang sa pagkakaroon ng water-secured future.