News and Events

Masaganang ani at mataas na kita sa mga mais, tinatamasa ng samahan ng magsasaka sa Naujan, OrMin
Labis ang pasasalamat ng mga miyembro ng Pinagsabangan Vegetable Growers Association (PVGA) sa Dept. of Agriculture (DA) sa lahat ng mga interbensiyong pinagkaloob sa kanilang samahan na malaki anila ang naitulong para maramdaman nila ang masaganang ani at mataas na kita.

Masaganang ani at mataas na kita sa mga mais, tinatamasa ng samahan ng magsasaka sa Naujan, OrMin

“Sa tulong ng DA, may masaganang ani at mataas na kita!” ito ang nagkakaisang pahayag ng mga magsasakang kasapi ng Pinagsabangan Vegetable Growers Association (PVGA) sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro habang tulong – tulong na inihahanda ang mga ibebentang mais na naani mula sa kani – kanilang taniman.

Nagsimulang mag-ani ng mga mais ang PVGA noong Pebrero kung saan sa bawat harvest ay umaabot ng tatlong (3) tonelada ang kanilang nakukuha kada ektarya na kaagad din nilang naibebenta.  Limang (5) varieties ng mga mais ang itinanim ng mga kasapi ng PVGA: ang sweet purple, sweet pearl, sweet supreme, pure purple, at hybrid corn na pawang maganda ang naging paglaki at pamumunga.

Pagbabahagi ni Romen B. Evangelista, pangulo ng PVGA, malaki ang naitulong sa kanila ng iba’t ibang interbensiyon na pinagkaloob ng Department of Agriculture MiMaRoPa.  Benepisyaryo ang samahan ng mga pagsasanay hinggil sa pagtatanim ng mais sa tulong ng Corn Program ganon rin ng makinarya, plastic crates, plastic drums at pipes, at iba’t ibang binhing pananim mula naman sa High-Value Crops Development Program (HVCDP).

“Malaking tulong po ang traktora na aming natanggap dahil napabilis ang paglilinis ng mga taniman at nakapagdagdag po kami ng cropping, sa loob ng isang taon ay apat na beses kaming nakakapagtanim. Dahil rin po sa turo ng DA, sa kanilang mga assistance ay malaki po ang iniangat ng mga buhay namin, ramdam ang masaganang ani at mataas na kita,” pahayag ni PVGA Pres. Evangelista.

Dahil sa painairal na sistematikong pagkakasunod – sunod ng pagtatanim, tuloy-tuloy ang pag-aani ng mais ng mga kasapi ng PVGA.

Pinairal ng samahan ang sistematikong pagkakasunod – sunod ng pagtatanim ng bawat miyembro tungo sa tuloy – tuloy na produksiyon. Naibebenta nila ng P300.00 – P350.00 ang bawat bundle ng mais para sa maramihang mamimili. Dahil dito, tinatayang kumikita ang farmer na may kalahating ektaryang taniman ng P30,000.00 pataas.

“Sa binigay na training na DA ay marami po kaming natutunan at ito ay ini-apply namin. Noong una ay hindi talaga kami successful sa pag-aani ng mais pero sa tulong ng DA, sa (pamamagitan ng) mga training na binibigay ay nakuha po namin ang tamang paraan kung paano talaga magpaganda at magpayabong ng mais.  Lahat po ng members namin ay umattend kaya naging successful na po ang aming pagtatanim,” pagbabahagi naman ni PVGA Secretary Ginalyn Daguasi.

“Lagi po kaming binabaha pero sumusugal po kami. Noong una rin ay hirap kami magmarket pero ngayon ay may buyer na kami at ang mga members ay natutuwa na kumikita, tumataas ang ani at tumataas din ang kita,” dagdag pa niya.

Inaasahan ng PVGA ang mas masagana pang ani ng mga mais sa darating na buwan ng Abril o kasagsagan ng tag-init. Maliban sa mga mais na maaari nilang anihin 60 araw matapos itanim, may mga nakatanim ring mga gulay ang samahan at ang dire-diretsong pagtatanim sa buong taon ay patunay anilang hindi hadlang ang malimit na pagbaha sa lugar sa pagkamit ng hangaring higit pang pagyamanin at paunlarin ang kani-kanilang mga sakahan upang patuloy na matamasa ang masaganang ani at mataas na kita.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.