Ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA High Value Crops Development Program (HVCDP) ang 120,000 piraso ng pananim na pinya sa probinsya ng Marinduque na nagkakahalaga ng Php 895,200.00.
Ang pamamahagi ng pananim ay sa ilalim ng Plant, Plant, Plant Program ng DA na naglalayong pagyamanin ang mga produktong agrikultural na importante sa pag-abot ng seguridad sa pagkain ng bansa. Nilalayon din nito na mabigyan ng karagdagang mapagkakakitaan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng crop diversification.
“Namigay kami ng pinya sa probinsya upang i-encourage sila to plant this as intercrop to promote crop diversification,” sabi ni G. Julius Jake M. Arellano, HVCDP Focal Person sa probinsya.
Ang mga pananim na ipinamigay ay Hawaian Variety na kilala sa pagiging mabenta sa merkado dahil na rin sa pagkakaroon ng malalaki at matatamis na bunga nito.
“First time po namin magtanim ng maramihang pinya kaya kung bibilhin pa namin ‘yun ay malaking halaga din. May nagbebenta rin kasi dito sa amin ng sucker (pineapple plantlet na siyang ginagamit sa pagtatanim) ng pinya sa halagang Php 10.00 ang isa, kaya makakatipid kami kasi bigay ito ng DA. Malaking katipiran ito para amin upang makapagtanim kami,” pagbabahagi ni G. Garry N. Marte, Presidente ng Bunganay Progressive Farmers Association (FA) mula sa Brgy. Bunganay sa bayan ng Boac.
Nagpapasalamat naman si G. Edilberto B. Lining, Chairman ng Bancoro FA mula sa Brgy. Bancoro sa bayan ng Buenavista, dahil sa tulong na ibinigay ng DA sa kanilang asosasyon. Ayon kay G. Lining, napakalaking tulong ng mga pananim lalo na kapag ito ay namunga na ay makakadagdag kita ito sa mga miyembro at iba pang mga magsasaka.
“Kapag ito ay nagsuhi at napuno na namin ang aming kanya-kanyang taniman ay makapagbibigay na rin po kami sa ibang gustong magtanim ng pinya para magkaroon din sila ng mapagkikitaan,” wika ni G. Lining.
Isang (1) asosasyon sa bawat munisipyo ang nakatanggap ng tig-20,000 na pananim. Ang apat (4) pang benepisyaryo ay ang Kinyaman, Kaganhao Kilo-kilo Vegetable Growers Association sa Sta. Cruz, Bangwayin Farmers Multipurpose Coorperative sa Torrijos, Banto FA sa Mogpog, at Matandang Gasan FA sa Gasan.
Sinabi rin ni G. Arellano na imo-monitor nila ang mga pananim hanggang sa ito ay mamunga na at tutulong sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa paghahanap ng naayong merkado kapag dumami na ang kanilang ani.
Tiniyak rin ng HVCDP ang pagbibigay ng teknikal na suporta o pagtuturo ng tamang pagtatanim matapos makatanggap ng mga asosasyon. Ito ay sa tulong ng Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) na si Lucila J. Vasquez at Office of the Provincial and Municipal Agriculturist.