“Tayo ay nangingilag sa virus, hindi tayo nangingilag sa mga insekto. Para po tayo maka-sure na dekalidad at chemical-free ang ating mga tinatanim, tayo ay mag-engage sa organic agriculture!”
Iyan ang wika ni Barangay Comunal Kagawad Committee on Health Maria Teresa Laygo matapos matikman ang bunga ng kanilang pagtutulungan at nagsilbing testimonya sa pag-usbong ng kanilang community garden magmula nang sumapit ang pandemya sa ating bansa.
Mula sa isang 1,845 metrong kwadradong hiram na lupain mula kay Julian Ebora na isang kaibigan ni Barangay Comunal Chairman Rolando Makasakat, kaagapay din ang patuloy na serbisyo ng Department of Agriculture Regional Field Office – MIMAROPA, Agricultural Training Institute, at City Agriculturist Office, itinaguyod ng 336 aktibong miyembro ng Comunal kabilang ang Sangguniang Kagawad ng Kapitan (11), Barangay Police (12), Barangay Health Workers at Barangay Nutrition Scholar (13), at Rural Improvement Club (250) ang nasabing organikong hardin na kanila nang pinagkukunan ng iba’t ibang gulayin tulad ng petsay, mustasa, okra, malunggay, kamoteng kahoy, talbos ng kamote, ampalaya, kalabasa, patola, mais, talong, at sitaw.
Natutuwang ikinuwento ni Kapitan Rolando Makasakat ang pagtutulungan ng kaniyang mga miyembro upang palaguin ang kanilang hardin, “Lubos po akong natutuwa sapagkat sila ay walang sawang tumutulong sa pangunguna po ng mga kasamang mga konsehal, kagawad, mga SK, aming BNEs, lalo’t higit po yung isa naming konsehal naririyan, siya po ang aming naging daan para ito (1842 metrong kwadradong lupain) po ay aming mapagtagumpayan na maibigay sa amin ni Pareng Julian, si Konsehal Mayeth Laygo po. Siya po ang naging kausap, naging kasama namin para rito sa gawaing ito.”
“Every Saturday po ay 2 groups ang nagme-maintain ng community garden from 6 - 9 AM at for every 3 days. Binibisita ko kung merong pagbabago dahil minsan ay may hayop na nakakapunta. After that, sa Sabado na ulit kami magkikita-kita,” wika ni Kagawad Laygo ukol sa kanilang iskedyul ng pagpunta sa kanilang hardin at upang mapanatili ang social distancing sa pamamagitan ng paglilimita ng mga taong mamahala nito, “Hindi na po namin pinapapunta ang mga Senior Citizens, mga buntis, at mga bata dahil bukod sa kanilang sensitibong kalagayan ay ipinagbabawal din ito ng batas ngayong panahon ng pandemic,” dagdag niya.
BInigyang linaw ni Barangay Nutrition Scholar Marlyn C. Katubig ang hangarin ng barangay na paliwigin pa ang kanilang community garden hanggang sa kanilang makumpleto ang mga gulayin ng Bahay Kubo upang mas maraming mamamayan ang mabigyan ng suporta lalo na ang mga higit na nangangailangan tulad ng mga underweight na buntis, nagpapasusong mga ina, at maging kanilang mga underweight na mga anak sa pamamagitan ng pagkakaroon ng suplay ng gulay na walang halong kemikal na pestisidyo para sa breastfeeding project ng kanilang barangay.
Kaagapay ng mga nakatatanda, nabibigyang kalinangan din ang kabataan sa pamamagitan ng kanilang karanasan sa pangangalaga ng nasabing hardin, “Ang mga kabataan din po ay natututo ng organic farming sa tulong ng mga nakatatanda sa amin kaya’t nagpapasalamat po kami sa nagmamay-ari ng lupang ito sapagkat hinayaan niya po kaming pagyamanin ang area pong ito at makatulong sa pagpopromote ng organic farming sa aming barangay. Kailangan po nating pagyamanin ang ating kapaligiran para magkaroon tayo ng mga gulay, prutas, at iba pang masusustansyang mga pagkain upang makaiwas po tayo sa sakit para sa mabuti at mahusay na pamumuhay,” paliwanag ng Sangguninang Kabataan Chairwoman Catleen Hukos.
Bukod sa tumanggap ang barangay ng mga binhi mula sa Kagawaran ng Pagsasaka, dumalo rin ang kanilang mga kasapi sa mga pagsasanay at ilang pantas-aral na pinagkunan ng kanilang kaalaman upang pagandahin at pausbungin ang kanilang mga gulayin tulad ng paggamit ng Fermented Plant Juice, “Yung isa pong organic pesticide na natutunan ko po sa training sa Agricultural Training Institute (ATI) ay ang binulok na kakawate na nilagyan ng sabong Surf na nakakatulong maalis ang mga maliliit na insekto saa aming mga gulay.”
Ayon kay DA- Satellite Office Science Research Specialist Genesis Castro ng Department of Agriculture, “Ang Madre De Cacao (kakawate) ay mayroong insecticidal properties, ibigsabihin ay kumikitil ito ng maliliit na mga insekto at mga uod samantala, ang sabon naman ay magsisilbing sticker na tulad ng saluyot at gumamela ay magsisilbing pambara sa hingahan ng mga insekto na kanilang ikalulunod kung mawiwisikan nito. Mangyari lang na mag-spray ng insecticide nang maaga o sa dapit-hapon kung kailan hindi katingkaran ng araw nang sa gayo’y hindi mabigla at masira ang ating mga halaman.”
Pangako ni Kapitan Makasakat sa mga mamamayan ng Brgy. Comunal, patuloy nilang pag-iibayuhin ang kagandahan at kaayusan ng kanilang barangay dahil kung ika nga na mula sa dating pangalan na Community na naging Comunal, sa pamamagitan ng pagkakaisa at maayos na pagtutulungan ng mga mamamayan ay patutungo sila sa ikauunlad ng kanilang barangay.
“Kahit po tayo ay nasa mga urban areas, kayang kaya po natin ang pag-engage sa organic agriculture farming or organic vegetable gardening kaya’t iniimbitahan ko po ang lahat na tayo po ay magkaroon ng kapasidad na makamit ang quality na sinasabi nating ‘organically grown vegetables’ para sa kalusugan ng ating mga mamamayan,”paanyaya ni Kagawad Mayeth Laygo sa mga mamamayan ng Calapan at karatig-bayan.