Kasalukuyang ipinapakilala ngayon ng Kagawaran ng Pagsasaka ang paggamit ng agricultural drones para sa direktang pagtatanim ng mga binhi at pagsabog ng abono at pestisidyo sa palayan.
Matapos sumailalim sa pagsasanay ang mga kawani ng Department of Agriculture - MIMAROPA at mga agricultural techinician sa paggamit ng nasabing tekonolohiya noong Disyembre 2022, itinuturo naman ito sa mga magsasaka ng palay simula noong Nobyembre 2023.
Sa pangunguna ng mga kawani ng Rice Program katuwang ang lokal na pamahalaan, isinagawa na sa pitong (7) barangay sa lalawigan ng Palawan ang drone seeding sa mga demonstration farm. Kinabibilangan ito ng mga barangay ng Jose Rizal, Taretien, Labog, Tubtub, Aramaywan, Candawaga at Abongan na kung saan hybrid seeds ang naitanim dito.
Bukod sa nasabing munisipalidad, isinagawa na rin ang naturang gawain sa Baco at Calapan City, Oriental Mindoro. Pinangunahan ni Occidental Mindoro Rice Program Coordinator Meynard Alcobera ang aktibidad na kung saan ipinakita at ipinaliwanag niya sa mga magsasaka kung paano ito gamitin at ang kapakinabangan nito sa kanilang hanay.
Ang agricultural drone na ito ay may kakayahang magsabog o maghasik ng 30-40 na kilo ng binhi sa isang ektayang palayan sa loob lamang ng 10 hanggang 15 minuto habang 15 litro naman ng abono at pesticide kada ektarya sa loob lamang ng anim (6) na minuto.
Ayon kay Provincial Coordinator Alcobera, malaking tulong ang agricultural drones upang mapababa ang gastos sa inputs ng mga magsasaka at mabawasan ang labor cost.
“Maging open-minded po tayo, maging bukas po ang ating isipan sa mga makabagong teknolohiya na pwede nating gamitin na dumadating sa atin dahil ang mga teknolohiyang ito ay sinisigurado po namin na talagang makakatulong at makakabawas sa mga gastusin sa pagsasaka at pagpapataas ng ating ani,” mensahe niya sa mga magsasaka.
Samantala, upang magkaroon ng akses ang mga magsasaka sa makabagong teknolohiya na ito, pinaplano na rin ng DA-MIMAROPA ang pamamahagi ng drone discount voucher na kung saan prayoridad ng kagawaran na mabigyan nito ay ang mga munisipyo na sumailalim sa drone seeding demo. Nagkakahalaga ito ng Php 1,800.00 kada ektarya na makakatulong upang mabawasan ang kanilang bayarin sa pag-arkila nito sa kwalipikadong service provider.