Puerto Galera, Oriental Mindoro — Isang makabagong proyekto ang opisyal na pinasinayaan sa Barangay Villaflor, Puerto Galera, noong ika-21 ng Pebrero, sa pangunguna ng Department of Agriculture MIMAROPA sa ilalim ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP).
Pinangunahan nina Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Renie B. Madriaga, Municipal Agriculturist Heidee Aparato, at NUPAP Focal Person Julius Jake Arellano ang seremonya, na dinaluhan din ng mga kawani mula sa Municipal Agriculture Office, mga staff ng NUPAP, mga opisyal ng Sangguniang Barangay, at mga miyembro ng Puerto Galera Farmers Federation.
Ang greenhouse na may hydroponic system ay may kabuuang pondong nagkakahalaga ng Php 1,471,699.62. Dinisenyo ito upang magtanim ng mga high-value crops gaya ng iba't ibang uri ng lettuce at melon, na inaasahang magpapalakas sa produksyon ng masustansiyang gulay at prutas sa lugar.
Bukod dito, maaaring maging bahagi ang proyekto sa pagpapaunlad ng agri-tourism sa Puerto Galera, dahil maaaring maging atraksyon para sa mga turista ang modernong greenhouse kung saan makikita nila ang makabagong paraan ng pagtatanim at bilang learning site kung saan maaaring bumisita ang mga estudyante upang matuto tungkol sa sustainable farming practices
Ayon kay APCO Madriaga, malaking hakbang ito para sa mga lokal na magsasaka upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan gamit ang makabagong teknolohiya sa agrikultura. Dagdag pa niya, makatutulong ito sa pagpapalakas ng seguridad sa pagkain at pagbibigay ng mas maraming oportunidad para sa mga residente ng Puerto Galera.
Samantala, ipinahayag naman ni Municipal Agriculturist Heidee Aparato ang kaniyang pasasalamat sa DA-MIMAROPA at NUPAP sa pagbibigay ng suporta para sa proyektong ito. Aniya, isang inspirasyon ito para sa buong komunidad upang lalo pang magsumikap at palaguin ang agrikultura sa kanilang bayan.
“Ang aming bayan po ay may limitadong espasyo, kung kaya’t kailangan po namin ng ganitong uri ng proyekto na gumagamit ng makabagong teknolohiya. Worth it po ang pagtanggap namin sa programang ito na malaki ang maitutulong upang ma-achieve namin ang food security para sa aming bayan,” saad ni Municipal Agriculturist Aparato.
Inaasahan na magdadala ito ng mas sariwa at abot-kayang ani para sa mga residente, habang binibigyan ng mas malaking pagkakataon ang mga lokal na magsasaka na makibahagi sa makabagong sistema ng pagtatanim.
“Natutuwa ako sapagkat nadala dito sa Puerto Galera ang lettuce industry, na isa sa magbibigay ng magandang oportunidad sa mga magsasaka dito. Napapanahon ang lettuce production dito sa amin. Mula sa samahan ng nagkakaisang magsasaka ng Puerto Galera, maraming salamat po sa suporta ng DA Region at NUPAP,” saad ni Noriel Suzara, Presidente ng Farmers Federation sa nasabing bayan.
Patuloy ang pagsisikap ng Department of Agriculture at ng lokal na pamahalaan upang siguruhing magtatagumpay ang proyektong ito, na siyang magsisilbing modelo para sa iba pang bayan sa MIMAROPA na nagnanais ding yakapin ang makabagong pamamaraan sa agrikultura at palakasin ang agri-tourism sa rehiyon.