Ipinatayo ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang kauna-unahang processing facility na nagkakahalaga ng Php576,997 para sa asosasyong tinutulungan nito sa malayong isla ng Balabac sa lalawigan ng Palawan. Natapos ang konstruksyon ng nasabing pasilidad noong Disyembre at opisyal na ipinagkaloob sa Cardama Rural Improvement Club (CARDAMA RIC) nitong Enero.
Benepisyaryo ang samahan ng Banana Processing Project. Kasabay ng pagdaraos ng Beneficiary Needs Assessment (BNA) noong 2023, ipinahayag ng samahan ang pagnanais na magkaroon ng nasabing proyekto dahil sa saganang suplay ng saging na saba sa kanilang barangay, kaalaman ng mga kasapi na paggawa ng banana chips, at umuusbong na turismo ng kanilang bayan. Pangunahin nilang target bilang mga customer ang mga turistang dumarating sa Balabac at mga eskwelahan.
Layunin ng pagpapatayo ng pasilidad na magkaroon ng maayos lugar sa paggawa ng samahan ng mga produkto mula sa saging na saba tulad ng banana chips. Ito ang huling interbensyon na inilaan ng SAAD MIMAROPA para sa CARDAMA RIC noong 2024, na pinondohan sa ilalim ng FY 2024 SAAD Fund. Naisakatuparan ang proyekto sa suporta ng lokal na pamahalaan ng Balabac na silang nagkaloob ng lupang pinagtayuan ng nasabing processing facility. Samantala, nauna nang natanggap ng grupo ang iba’t ibang gamit sa pagluluto ng saging na nagkakahalaga naman ng Php 124,390. Sumailalim rin sila sa pagsasanay sa paggawa ng mga banana chips at iba pang produkto mula sa saging.
Labis ang pasasalamat ng samahan sa SAAD Program sa pagpapatayo ng nabanggit na pasilidad sa kanilang lugar. “Lubos po na nagpapasalamat ang aming asosasyon dahil nabigyan kami ng tulong ng SAAD. Palalaguin po namin ito at iingatan upang mapaunlad ang aming kabuhayan. Malaking tulong po ito sa amin sa pagproseo ng saging. Maraming salamat po,” saad ng kanilang pangulo na si Haidee Valero.
Samantala, plano ng samahan na gamitin ang kanilang naipong pondo na mahigit Php20,000 sa pagpapagawa ng ekstensyon ng processing facility. Sinisimulan na rin ng grupo na magproseso ng ibang prutas tulad ng guava jelly na mainam gawing jam o palaman. Layunin nito na magkaroon pa sila ng ibang mapagkakakitaan lalo na sa mga panahong mahal ang sangkap sa paggawa ng banana chips.