Labing-apat (14) na cashew nut decorticators at iba’t – ibang mga kagamitan sa kusina lalong higit sa pagluluto na may kabuuang halaga na Php489,100 ang ipinamahagi ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA sa tatlong (3) samahang tinutulungan nito sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro at Palawan.
Kabilang sa mga pinagkalooban ng cashew nut decorticators ang Samahan ng Magsasaka ng Kanluran (SMK) sa Brgy. Kanluran, Looc, Occidental Mindoro at Kasoy Grower’s and Processing Association (KGPA) sa Brgy. Igabas, Magsaysay, Palawan. Benepisyaryo ang SMK ng Coconut Production Intercropping with Fruit Trees and Other Planting Materials Project habang Cashew Processing Project naman ang sa KGPA. Maliban sa decorticator, tumanggap rin ang KGPA ng mga kagamitan sa kusina kasama ng Cardama Rural Improvement Club (CARDAMA RIC) sa Brgy. Poblacion IV, Balabac, Palawan. Ang CARDAMA RIC ay benepisyaryo naman ng Banana Processing Project mula pa rin SAAD Program Phase 2.
Pinangunahan ang pamamahagi ng mga kawani ng SAAD MIMAROPA at sinaksihan naman ito ng mga Municipal Agriculturist (MA) ng bawat bayan kasama ang ilang lokal na opisyales.
Dahil marami ring puno ng kasoy sa bayan ng Looc, nais ng SMK na subukan ang pagpoproseso ng mga ito kasabay ng pagpapalago ng kanilang hybrid coconut na mula rin sa programa. Naniniwala ang samahan na sa pamamagitan nito ay higit na tataas ang kanilang pagkakataong magkaroon ng dagdag na mapagkakakitaan.
Samantala, gamit ang mga interbensyong natanggap, layunin ng KGPA na paunlarin pa ang kanilang kasanayan sa pagpoproseso ng kasoy lalo pa at nanatiling mabenta sa mga turista ng Palawan ang iba’t ibang klase ng produkto mula sa kasoy. Nagpasalamat sa SAAD Program ang pangulo ng samahan na si Antonio Madarcos sa pagkakaloob aniya ng mga kagamitan sa pagluluto nila ng kasoy.
“Napakagandang oportunidad na nagkaroon tayo ng mga gamit para sa pagluluto ng ating kasoy, maraming salamat po sa SAAD,” ani G. Madarcos.
Paggawa naman ng banana chips at iba pang produkto mula sa saging ang pinagtutuunan ng pansin ng CARDAMA RIC. Sagana sa mga puno ng saging ang kanilang komunidad at may taglay na ring kaalaman sa pagluluto nito ang mga kasapi ng samahan. Isa sa mga nakikitang merkado ng asosasyon ang patuloy na dumaraming bilang ng mga turistang dumarating sa kanilang bayan.
Upang matiyak ang kanilang tuloy-tuloy na pagsulong, inilatag na ng SAAD MIMAROPA ang mga karagdagang ayuda na ipagkakaloob sa kanila ngayong 2024. Maliban dito, magsasagawa rin ang programa ng pagsasanay hinggil sa Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED) para sa mga nasabing asosasyon, kung saan bibigyan sila ng angkop na kasanayan hinggil sa epektibong pagbebenta ng kanilang mga produkto. Bahagi ang hakbang na ito ng pagtataguyod ng mga samahan tungo sa pagiging community-based enterprise (CBE).