Occidental Mindoro, June 21, 2023 - Namahagi ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ng Php 2,445,905.56 na halaga ng mga interbensyon sa ilalim ng lowland rice, corn, at cattle production projects ng tatlong (3) bagong tatag na asosasyon sa bayan ng Looc, Occidental Mindoro, ika-20 ng Hunyo taong kasalukuyan.
Masayang tinanggap ng mga kasapi ng Samahan ng Magsasaka ng Ambil, Samahan ng Magsasaka ng Balikyas, at Samahan ng Magsasaka ng Bulacan na binubuo ng 70 magsasaka ang mga agricultural inputs at kagamitan na kinabibilangan ng NPK and micronutrient liquid fertilizers (1,100 liters), hermetic storage cocoon, hand tractors (2), pump and engine (2), hybrid corn seeds (50 bags), at mga baka (25 heads).
Pagsasaka ng palay ang pangunahing ikinabubuhay ng mga benepisyaryo ngunit umaasa lamang sa tubig ulan ang kanilang mga sakahan. Dahil dito, isang beses lamang kada taon sila nakakapagtanim ng palay kung saan kumikita sila ng Php10,000 hanggang Php20,000 kada ani. Nagtatanim rin sila ng mga gulay gaya ng sitaw, munggo, kalabasa, at talong para sa personal na pagkonsumo at ang labis sa kanilang mga pangangailangay ay kanilang ibinebenta sa kanilang mga kapitbahay. Nagsisilbing alternatibo nilang pangkabuhayan ang pangingisda kapag hindi sila nakapagtatanim ng palay habang nagsisilbi namang pastulan ng mga hayop gaya ng baka, kalabaw, at kambing ang mga palayan kapag walang tanim. Base sa isinagawang Beneficiary Needs Assessment (BNA), nais ng mga magsasaka na paunlarin pa ang kanilang pagtatanim at mabigyan ng mga kagamitan at agricultural inputs na makakatulong ng malaki sa kanilang produksyon.
Palalakasin ng mga interbensyon sa ilalim ng Lowland Rice Production Project na ipinagkaloob ng SAAD program sa Samahan ng mga Magsasaka ng Ambil ang produksiyon nila ng palay kung saan tutugunan nito ang pangangailangan ng samahan sa mga kagamitan tulad ng pump and engine upang makatulong sa pagpapatubig ng kanilang palayan ganon rin ang hand tractor para sa mabilis na paghahanda ng kanilang mga sakahan at transportasyon ng kanilang mga inputs at ani. Magsisilbi namang second crop ang mais sa mga kasapi ng Samahan ng Magsasaka ng Balikyas kung saan sa pamamagitan ng Corn Production Project ay inaasahang makapagpoprodyus rin sila ng mais sa mga buwan ng Oktubre hanggang Disyembre. Dahil kailangan naman ng alternatibong mapagkakakitaan, at nagsisilbing pastulan ng baka ang mga palayan kapag walang tanim, Cattle Production Project ang nakitang angkop para sa Samahan ng Magsasaka ng Bulacan. Base sa kasalukuyang presyo ng mga baka sa Looc, tinatayang aabot sa Php60,000 hanggang Php70,000 ang kita ng isang magsasaka sa pagbebenta ng isang baka na may timbang na 250 kilo.
Pinangunahan ang distribusyon ng mga nabanggit na interbensyon nina SAAD MIMAROPA Assistant Regional Focal Person at DA RFO MIMAROPA Regional Technical Director for Operations Dr. Celso Olido at SAAD MIMAROPA Regional Lead Marissa Vargas kasama sina Looc Mayor Marlon V. Dela Torre, Vice-Mayor Jose S. Nobelo, Municipal Agriculture Officer Zaldy V. Villarosa, kinatawan ni Congressman Leody F. Tarriela na si Zernan Tolledo, mga miyembro ng Sangguniang Bayan na sina Coun. Orlando Zubiri, Richard Quiñones, Belson Jan Valderas, at Stanley Tristan.
Mensahe nina SAAD Assistant Focal Olido at Regional Lead Vargas sa mga magsasaka na ingatan at palaguin ang proyektong pinagkaloob ng programa sa kanila. Nagpasalamat rin sila sa buong suporta, kooperasyon, at pagtanggap ng lokal na pamahalaan sa mga programa, proyekto, at gawain na dinadala ng SAAD sa Looc.
"Gusto namin (na) itong pinamigay ng SAAD ay gamitin ninyo para lalo pa tayong umunlad at kumita ang kabuhayan at umangat ang ating pamumuhay sa mga bara-barangay. Iyan po ang layunin ng SAAD, na umunlad tayo, maraming kumita, para umunlad ang ekonomiya, saad ni Dr. Olido.
Labis naman ang pasasalamat ng mga magsasaka at ng bayan ng Looc sa pangunguna ni Mayor Dela Torre sa pagdating ng SAAD Program sa kanilang bayan. Ang Looc ang tanging bayan sa Occidental Mindoro na kasama sa Phase 2 ng implementasyon ng programa.
"Mapalad tayo na tayo ay napasama kahit napakalayo at napakaliit ng bayan ng Looc (ay) hindi tayo kinalimutan. Maraming salamat at sana po maging successful ang programang ito," mensahe ni Mayor Dela Torre.
“Kaming mga magsasaka ng Brgy. Balikyas ay lubos na nagpapasalamat sa Department of Agriculture SAAD sa mga natanggap po namin. Ito po ay lubos naming pinasasalamatan at malaki ang maitutulong para sa pagpapa-unlad ng ekonomiya namin sa aming mga magsasaka ng Brgy. Balikyas dahil ‘yon po ang number 1 na pangangailangan namin para kami ay makatanim tulad ng mais para umangat po ang aming pamumuhay,” pasasalamat ni Rodolfo V. Zapata, Pangulo ng Samahan ng Magsasaka ng Balikyas.
“Ako po ay nagpapasalamat sa mga biyayang ibinagay ng gobyerno, sa DA, sana po ay tuloy-tuloy na ang pagpapaunlad sa amin ng kapwa ko magsasaka,” dagdag ni Hiderly V. Verdera, Pangalawang Pangulo ng Samahan ng Magsasaka ng Ambil.
Kinilala at pinasalamatan rin ng alkalde ang pagtugon ng Department of Agriculture sa pangangailangan ng magsasaka sa kanilang bayan at umaasang kasabay na aangat ng mga ito ang kanilang mga mangingisda.
Samantala, kasunod ng pamamahagi ng mga interbensyon ay ang pagbibigay ng Specialized Training sa mga magsasaka na sinimulan rin nitong Hunyo upang matiyak na magagamit at mapamamahalaan nila ng maayos ang mga interbensyong pinagkaloob sa kanila.