Isang hauling truck na nagkakahalaga ng Php 2.4 milyon at warehouse na nagkakahalaga ng Php 3.9 milyon ang iginawad ng Department of Agriculture (DA)-MIMAROPA Rice Program sa Camansihan Farmers Association sa Lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro. Magagamit ang mga nabanggit na interbensiyon ng samahan sa paghahakot at pagdedeliver ng kanilang mga inaaning palay at magiging imbakan ng mga ito.
Pinangunahan ni Department of Agriculture (DA) – MIMAROPA Regional Executive Director Engr. Maria Christine Inting at Regional Agriculture Engineering Division (RAED) ang pag-aabot ng certificate of turnover ng mga naturang interbensyon, ika-25 ng Agosto, taong kasalukuyan.
Bago ang turnover ceremony, binasbasan muna ang naturang DA interventions ni Reverend Father Cris Raymundo na sinundan ng ribbon-cutting ceremony at isang misa ng pasasalamat. Matapos ito, sinimulan ang isang maikling programa na dinaluhan ni RED. Inting, Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Office (APCO) Artemio Casareno, City Agriculturist Lorelein Sevilla, Provincial Agriculturist Christine Pine, 1st District Congressman Arnan C. Panaligan, City Administrator Atty. Reymund Al Ussam, ilang konsehales ng Sangguniang Panglungsod, miyembro ng samahan sa pangunguna ng kanilang presidente Aniceto Barro, at kawani ng RAED.
Sa naging mensahe ni RED Inting, masaya niyang binati ang mga magsasaka na itinuturing niyang bagong bayani ng Pilipinas kabilang na nga dito ang mga miyembro ng nasabing samahan. Bukod dito, muling binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpapasa ng request letter sa DA upang makatanggap ng iba’t ibang proyekto at programa mula sa kagawaran na makakatulong sa pag-unlad ng mga asosasyon at kooperatiba.
“Ngayon pa lang po mag-request na kayo dahil ilan po ang asosasyon at cooperatives ng MIMAROPA, hindi lang po Camansihan, hindi lang po Calapan, ilan po ang munisipyo. Alam niyo po, limited lang ang budget sa DA, kaya po habang maaga utay-utayin niyo na po yung nakikita niyo na makakatulong sa inyo sa mga susunod na taon,” aniya.
Samantala, lubos naman ang pasasalamat ng samahan sa pamumuno ni FA President Barro sa interbensyon na kanilang natanggap na higit makakatulong upang mapabuti pa nila ang pamamahala ng kanilang mga inaaning palay. Kinilala rin niya ang pagsisikap ng pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan nilang magsasaka.
“As president po ng farmers association ng Camansihan at ng buong Calapan, napakalaki pong hamon para po sa akin at sa lahat ng FA, dahil hindi po puwedeng props lang yan o drawing lang yan na matapos ibigay sa atin, that’s it. Kailangan po nating i-manage, ayusin at palaguin ang lahat ng interventions na ibinibigay ng government para sa ating magsasaka dahil sila po ang susi upang maibigay sa atin ang gusto nating mga machineries na ginamit natin kaya po kailangan natin itong pagyamanin,” ayon kay Barro.