News and Events

Mahigit Php 4.3M na interbensyon, ipinagkaloob ng DA-MIMAROPA sa apat na asosasyon at kooperatiba sa Oriental Mindoro
Pormal na paggawad ng hauling truck at cassava chipper sa mga benepisyaryong asosasyon at kooperatiba na nagmula sa Victoria, Gloria, at Bansud, Oriental Mindoro

Mahigit Php 4.3M na interbensyon, ipinagkaloob ng DA-MIMAROPA sa apat na asosasyon at kooperatiba sa Oriental Mindoro

Iginawad na ng Department of Agriculture – MIMAROPA mula sa mga programa ng  High Value Crops Development Program (HVCDP) at Corn and Cassava  ang tatlong (3) hauling truck at isang (1) cassava chipper sa mga asosasyon at kooperatiba na nagmula sa mga bayan ng Victoria, Gloria, at Bansud, Oriental Mindoro noong ika-1 hanggang ika-2 ng Disyembre taong kasalukuyan.

Buong galak na tinanggap ng mga presidente at miyembro ng samahan ang mga nasabing interbensyon na kinabibilangan ng Narra Agriculture Cooperative (NACo) at Victoria Kalamansi Farmers Federation (VKFF) na pinagkalooban ng tig-isang unit ng hauling truck na nagkakahalaga ng  Php 1,276,211.00; Maralitang Magsasaka ng Mindoro (MMM) na binigyan din ng hauling truck na nagkakahalaga ng Php 1,583,051.00; at Malubay Agrarian Reform Beneficiaries Association (MARBA) na tumanggap ng isang (1) unit ng cassava chipper na nagkakahalaga ng Php 248,500.00.

Pinangunahan ni Oriental Mindoro Agricultural Provincial Coordinating Officer (APCO) Artemio Casareno ang paggawad ng certificate of turnover sa mga benepisyaryo kasama sina Assistant Regional Corn and Cassava Focal Person Engr. Franz Gerwen Cardano, Regional HVCDP Focal Person Renie Madriaga, at Chief of Staff Edmar Mendoza na kung saan dumalo rin sa turnover ceremony sina Provincial Agriculturist Christine Pine at 1st District Congressman Arnan Panaligan.

“Sana ay maging ehemplo kayo na tumagal yung interbensyon sa inyong kamay at pakinabangan ng farmers’ association at kooperatiba. Lagyan nyo po sya ng tamang lagayan para makita naman namin na minahal nyo ang intervention na galing sa DA dahil hindi na kayo magbabayad ng trucking at atleast mabilis na kayong makakagalaw. Sana ay paunlarin nyo pa ang mga natanggap nyo,” mensahe ni APCO Casareno sa mga benepisyaryo.

Bilang tugon, sa pangunguna ng kanilang mga pangulo at kinatawan lubos ang pasasalamat ng apat (4) na samahan sa sasakyan at makinaryang kanilang natanggap sapagkat higit anila nila itong mapakikinabangan sa mga ani ng kanilang mga produkto at gayundin sa pagdedeliver ng mga ito sa merkado.

“Napaka-palad naming mga asosasyon dahil kung hindi sa mga taong ito na naging tawiran ng programa ay hindi natin ito matatanggap. Kami ay nangangako na inyong binigay ay amin pong iingatan at magiging kapaki-pakinabang sa mga miyembro ng MARBA,” saad ni Mario Tejolan, MARBA President.

“Ito po ay malaking tulong sa amin at taos-pusong pinasasalamatan ang DA. Sa ngalan po ng Maralitang Magsasaka, umasa po kayo na ito ay aming pag-iingatan talaga,” ayon naman kay MMM Secretary Rachel Esquerra.

“Sa inyo pong lahat, kami po ay nagpasasalamat ng aming mga miyembro na kami ay nabigyan po ng ganito kaganda at bagong-bago na sasakyan. Malaking tulong po ito sa amin, sa mga gulay namin,” dagdag ni Nolito Napa, NACo President.

“In behalf of VKFF, kami po ay nagpapasalamat dahil kami ay nabigyan ng hauling truck na magagamit namin sa pagkuha sa mga farm ng may kalamansian papunta sa aming processing center at pagdedeliver sa mga natapos na produkto ng kalamansi outside Mindoro. Ito ay malaking serbisyo sa amin dahil matagal na namin itong hinihiling at sa wakas natupad na,” ayon kay VFKK President Ruel Sanchez.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.