Umuusad na ang pamamahagi ng mga libreng hybrid at inbred seeds sa mga magsasasaka sa mga probinsiya ng Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, at Palawan para sa wet season. Ito ay may kabuang alokasyon na Php 485.65 milyon.
Sa 100,000 bags ng hybrid seeds na alokasyon ng Rice Program ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon ng MiMaRoPa para sa nasabing panahon ng taniman ngayong taon, 35,360 bags na nagkakahalaga ng P176.8 milyon ang inilaan para sa Oriental Mindoro; 36,670 bags na katumbas ng P183.35 milyon para sa Occidental Mindoro; habang 26,420 bags na may kabuuang halaga na P61.25 milyon naman ang pinamamahagi sa Palawan.
Para naman sa 45,115 bags ng inbred seeds na alokasyon ng rehiyon para sa wet season, 10,700 bags na nagkakahalaga ng P16.264 milyon ang pinamimigay sa Oriental Mindoro, 19,200 bags o P29.37 milyon na halaga ng binhi naman ang pinamamahagi sa Occidental Mindoro, at kasabay rin ang pamamahagi sa Palawan ng 12,250 bags na nagkakahalaga ng P18.62 milyon.
Makatatanggap ang isang magsasaka ng dalawa hanggang anim (2-6) na bags ng inbred seeds (20 kg bawat bag) para sa isa hanggang tatlong (1-3) ektaryang sakahan base sa 40 kilong binhi na pangangailangan ng kada ektarya ng palayan.
Dahil naman sa isinusulong na clustering approach ng DA para sa mas episyente, epektibo at sistematikong pagbababa ng mga interbensyon ng Kagawaran, clustered areas na ang basehan ngayon ng pamamahagi ng mga hybrid seeds kung saan bawat cluster ay binubuo ng 100 ektaryang sakahan na may isa hanggang dalawang (1-2) barayti ng binhi. Ang isang ektaryang palayan ay nangangailangan ng isang bag (18kg bawat bag) ng hybrid seeds.
Katuwang ng mga kawani ng Rice Program sa pamamahagi ang City at mga Municipal Agriculture Offices. Labis naman ang pasasalamat ng mga magsasaka sa taun-taong pamimigay ng mga libreng binhi ng DA na malaki anila ang naitutulong upang makatipid sila sa gastusin sa pagtatanim ng palay. Maliban dito, masaya rin ang mga magsasaka dahil tamang-tama anila sa panahon ng kanilang pagtatatanim ang pamamahagi ng mga binhi ng DA.
“Maraming salamat po sa DA sa pagbibigay ng mga libreng binhi ng hybrid at inbred seeds. Talaga pong napakalaking tulong nito sa aming mga magsasaka para kami ay makatipid sa gastos sa aming palayan lalo pa at pamahal nang pamahal ang presyo ng abono,” mensahe ni Gng. Emma Ulip, isa sa mga magsasakang benepisyaryo mula sa Brgy. Comunal, Calapan City.
“Malaking tulong po talaga ang pamimigay ng ayuda ng DA kasi po nabawasan po ang aking expenses, wala na po akong binibiling binhi at natulungan din po ako sa abono. Ang ginagamit po naming abono ay marami kaya (sa) pag-ayuda nila ay nabawasan ang aking expenses at lumaki ang aking kita. Sa mga magsasakang tulad ko, gumamit na po tayo ng hybrid rice dahil marami po tayong aanihin at lalaki po ang ating kita, alagaan lamang po nating mabuti ang ating pananim,” pahayag naman ni Gng. Cemerly S. Malibiran ng Brgy. Ligaya, Occidental Mindoro
Upang makatipid naman sa gastos sa abono habang inaabot ang mataas na ani, inirerekomenda sa mga magsasaka ang pagtangkilik sa Abonong Swak campaign na inilunsad ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) noong Abril bilang suporta sa Balanced Fertilization Strategy ng ahensya kung saan isinusulong ang paggamit ng kombinasyon ng organiko at inorganikong pataba.
Ayon sa mga eksperto ng tanggapan, bukod sa pagbawas sa gastos sa abono sa pamamagitan ng paggamit ng angkop na kombinasyon ng organic at inorganic fertilizer depende sa target na dami ng ani at budget, makapagbibigay rin ng pangmatagalang benepisyo sa lupa ang paglalagay ng organic fertilizer. Kung susundin anila ang teknolohiyang nirerekomenda ng Abonong Swak, maaaring makatipid ang magsasaka ng P2,000 hanggang P4,000 kada ektarya. Bilang gabay rin sa pag-aabono, iminumungkahi sa mga magsasaka ang paggamit ng Leaf Color Chart App (LCC), Minus One Element Technique (MOET), Rice Crop Manager Advisory Service (RCMAS), o Soil Test Kit (STK).