Namahagi ang Department of Agriculture MIMAROPA ng 2,850 bags ng certified seeds na may kabuuang halaga na Php4, 332, 000 sa ilang bayan at Lungsod ng Calapan sa Oriental Mindoro upang ipagkaloob sa mga magsasaka ng palay na naapektuhan ang mga sakahan ng sunod-sunod na pag-ulan at mga pagbaha.
Nagpadala ng liham ang mga Municipal/City Agriculture Officers upang humingi ng tulong para makapagsimula muli ang mga magsasaka, bagay na kaagad tinugunan ng tanggapan sa pangunguna ni OIC, Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting gamit ang buffer stock na sadyang nakalaan sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer Artemio Casareno kabilang sa mga nasabing munisipalidad na tumanggap ng mga binhi ng palay ang Baco (473 bags), Naujan (1,059 bags), Pola (200 bags), Pinamalayan (150 bags), Bansud (197 bags), at Victoria (306 bags) habang 465 bags naman ang napunta sa Calapan City.
Nagpahayag ng kalungkutan si OIC, RED Inting sa sinapit ng mga magsasaka at tiniyak ang puspusang pakikipag-ugnayan ng DA MIMAROPA sa mga lokal na pamahalaan at iba pang nasyunal na ahensiya gaya ng DPWH, NEDA, at DILG upang sama-samang pag-usapan ang pangmatagalang solusyon sa problema sa mga kalamidad lalo na ang pagbaha na labis na nakaaapekto sa mga taniman at hayupan ng mga magsasaka.
“Kami, mula sa Kagawaran ng Pagsasaka – Rehiyong MIMAROPA ay lubos na nululungkot sa sinapit ng ating mga kasamahang magsasaka sa probinsya ng Oriental Mindoro dulot ng kalamidad na sanhi ng Amihan at Shear Line. Bilang tugon ng kagawaran, kami ay namahagi sa mga nasabing bayan na may kabuang 2,850 sako na binhi ng palay na nagkakahalaga ng P4,332,000.00 upang maging panimulang muli na makapagtanim ang ating mga magsasaka,” pahayag ng opisyal.
Pinaalalahanan rin niya ang mga magsasaka na ipaseguro sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang kanilang mga pananim at alagang hayop upang mabayaran sakaling mapinsala dahil sa kalamidad.
“…hinihikayat namin ang lahat ng ating kasamahang magsasaka na siguruhing iparehistro o ipaseguro ang inyong mga pananim o alagang hayop sa Philipppine Crop Insurance Corporation upang mabayaran kayo sa tuwing sasapit ang anumang kalamidad,” ani Engr. Inting.
Base sa mga liham na ipinadala ng mga MAO/CAO ng mga naturang lugar, umaabot na sa 9,556.24 ektarya ng mga taniman ang napinsala kung saan pinakamalaki sa bayan ng Naujan na nasa 3,114.29 ektarya na mula noong December 19, 2022 hanggang nitong January 23, 2023. Pinangangambahan ang paglaki pa ng mga mapipinsalang taniman kung magpapatuloy pa ang malakas pag-ulan at magdudulot ng mga pagbaha.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga magsasaka sa ayuda mula sa DA MIMAROPA dahil malaking tulong anila ang mga binhi sa muling pagtatanim.
“Malaki pong tulong itong natanggap naming isang sako ng binhi para sa aming palayan na nalubog sa baha. Malaki po ang aming pasalamat sa DA sa tulong na ito,” pahayag ni Danilo Geneta ng Brgy. San Juan, Victoria.
“Nagpapasalamat po kami sa Department of Agriculture dahil dito sa mga natanggap naming binhi para sa aming asosasyon, malaking tulong po ito para sa aming mga miyembro na makabawi sa nalugi sa aming sakahan buhat nong bumaha sa aming mga palayan,” dagdag naman ni Dionisia Bas ng Brgy. Mabini, Victoria.
“Ang aking palayan ay pang-anim nang baha simula noong itinalok noong December 21, ang binhing rehab po ay napakalaking bagay dahil sa kung mag-uulit man ako ay may binhi akong magagamit at kung ito man ay kulang ay at least nabawasan ang aking bibilhin na binhi, salamat po sa Department of Agriculture,” pasasalamat ni Nemecio Evangelista ng Brgy. Barcenaga, Naujan.
“Malaking tulong po ito at nagpapasalamat kaming mga magsasaka dahil sa kabila ng aming kahirapan ay nandyan ang suporta ng gobyerno at nakakarating po sa amin, malaking bagay poi to lalo sa aming nag –uulit ng tanim dahil sa baha,” pahayag ni Brgy. Capt. Evance Manalo ng San Carlos, Naujan.
“Sampu ng aming mga farmers, kami po ay nagpapasalamat sa DA MIMAROPA at kami ay nakatanggap ng binhi galing sa inyo, maraming salamat po sa inyong tulong,” mensahe naman ng magsasakang si Ron Allan Damayan ng Brgy. Biga, Pola.
Inaalam na rin ng DA MIMAROPA ang pinsala sa mga pananim na gulay ng mga magsasaka at inihahanda ang ayudang maaaring ipagkaloob kanila upang makapagsimula muli.