News and Events

Mahigit P354-M na fertilizer discount vouchers para sa dry season, pinamamahagi sa mga magsasaka ng palay sa MIMAROPA
Maaga at maayos na pumila ang mga magsasaka ng palay sa bayan ng Socorro, Oriental Mindoro sa idinaos na pamamahagi ng fertilizer discount vouchers na ginanap sa Municipal Gymnasium, Brgy. Poblacion, ika-26 ng Enero.

Mahigit P354-M na fertilizer discount vouchers para sa dry season, pinamamahagi sa mga magsasaka ng palay sa MIMAROPA

Tuloy-tuloy ang pamamahagi ng Department of Agriculture MIMAROPA Rice Program ng fertilizer discount vouchers na may mahigit P354.16 milyon na alokasyon para sa 40,396 na mga magsasaka ng palay sa buong rehiyon. Layunin ng ahensiya na magamit ito ng mga magsasaka sa pagtatanim ngayong dry season at makatulong sa pagbili ng mga abono lalo na ngayong patuloy ang pagtaas ng naturang input.

Mula sa nabanggit na halaga, P125.97 milyon ang alokasyon para sa Oriental Mindoro; P122.85 milyon naman sa Palawan; at P84.35 milyon para sa Occidental Mindoro.  Ang mga nasabing probinsiya ang mga nangunguna sa produksiyon ng palay sa MIMAROPA. Samantala, P11.96 milyon naman ang napunta sa mga magsasaka ng Romblon habang P9.01 milyon para sa lalawigan ng Marinduque.

Umusad ang pamimigay mula nitong buwan ng Enero sa ilalim pa rin ng High-Yielding Technology Adoption (HYTA) program kung saan ang mga naging benepisyaryo ng hybrid at certified seeds (dry season) ang nakatanggap ng mga nasabing discount vouchers.

Upang maging kwalipikadong benepisyaryo ng fertilizer discount voucher para sa hanggang dalawang ektaryang palayan, kailangang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ang magsasaka at nasa talaan ng Farmers and Fisherfolk Registry System (FFRS).  Upang magamit naman ang diskwento sa pagbili ng abono, kailangang dalhin ang voucher sa tindahan ng agricultural supplies na may akreditasyon mula sa Department of Agriculture kasama ang isang valid ID. Itinakda na rin ng DA ang abono na maaaring paggamitan ng mga vouchers upang matiyak na mataas na kalidad ang bibilhin ng mga magsasaka.

Katuwang ng mga kawani ng Rice Program sa pamamahagi ang mga Municipal/City Agriculture Office.  Dumalo rin sa distribusyon ang Agricultural Program Coordinating Officer ng bawat probinsiya at ilang alkalde na nagpahayag ng pasasalamat sa kagawaran sa tuloy-tuloy na suporta sa mga magsasaka.

“Kami po ay nagpapaabot ng pasasalamat sa Secretary ng Department of Agriculture at ating Presidente Bongbong Marcos ganon rin sa DA MIMAROPA sa pagbibigay ng mga ayudang ito sa aming mga magsasaka. Malaking tulong po ito lalo na at marami ang naapektuhan ng mga pagbaha at mas lumalaki ang gastos ng mga farmers sa pagtatanim. Maraming salamat po,” mensahe ni Mayor Joselito C. Malabanan ng Victoria, Oriental Mindoro.

Nagpaabot rin ng pasasalamat ang mga magsasaka mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon matapos ang sunod-sunod na distribusyon ng mga fertilizer discount vouchers.

“Malaking bagay na po ito para sa kabawasan sa aming gastos. Malaking tulong na po ito, iilang bag na lang ng abono ang idadagdag namin para makumpleto (ang abono) sa isang ektarya sa loob ng isang cropping kaya nagpapasalamat kami sa gobyerno,” pasasalamat ni Larry Arcuyo ng Brgy. Aramaywan, Quezon, Palawan.

“Kami po ay nagpapasalamat at nadagdagan po ang binigay na abono sa amin. Ang amin pong tanim ay mabibigyan namin ng magandang pataba. Dati hindi kami makapagpaganda masyado ng tanim dahil nga sa kakulangan sa abono, hindi naman kami makabili dahil napakamahal ng abono. Ngayon po ay nadagdagan ‘yong abono na ibibigay, nakakasiguro po kami na madadagdagan ang production ng aming mga tanim na palay. Maraming salamat po sa DA sa abonong ibinigay, malaking tulong po ito samin dahil sigurado pong mapapataas namin ang produksyon ng aming pananim,” saad naman ni Joseph Wilmer Casimero, pangulo ng Samahan ng Magsasaka ng Balanacan sa bayan ng Mogpog, Marinduque.

“Maganda po itong voucher na binibigay ng DA, malaking tulong ito sa amin na bagama’t nagmahal ang abono ay malaking bagay pa rin ito at makakatulong sa mga gastusin sa aming palayan. Nagpapasalamat po ako sa pamahalaan,” mensahe ni Elmer P. Salibio ng Brgy. Cantil, Roxas, Oriental Mindoro.

Samantala, paalala ng kagawaran na kailangang gamitin agad ang mga vouchers at ingatang mabuti hanggang sa madala at magamit sa mga accredited na tindahan. Para naman sa karagdagang impormasyon at mga paglilinaw, maaaring makipag-ugnayan kay Engr. Maria Teresa Carido na siyang Regional Focal ng programa sa telepono bilang 09285022059 o magtungo sa inyong Municipal/City Agriculture Office.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.