News and Events

Mahigit P15 milyong halaga ng ayuda mula sa RFFA, naipamahagi na sa 3,076 na magsasaka sa OrMin
Mga larawan mula sa naganap na pamamahagi ng RFFA sa bayan ng Socorro, Oriental Mindoro kamakailan.

Mahigit P15 milyong halaga ng ayuda mula sa RFFA, naipamahagi na sa 3,076 na magsasaka sa OrMin

Umaabot na sa P15,380,000 ang halaga ng ayudang naipamahagi sa may 3,076 na mga magsasaka sa Oriental Mindoro sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) ng Department of Agriculture (DA) mula nang simulan ang pamimigay nito sa lalawigan noong Nobyembre 2021 hanggang nitong Enero, taong kasalukuyan.

Ilan sa mga magsasaka sa Oriental Mindoro na nakatanggap na n g P5,000 sa ilalim ng RFFA.

Tumanggap ng P5,000 ang bawat benepisyaryong magsasaka na may palayan  na hindi hihigit sa dalawang (2) ektarya ang lawak at rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) mula sa mga bayan ng Pola, Bansud, Bongabong, Bulalacao, Mansalay, Roxas, at Socorro na kasama sa batch 1 at 2 habang nakatakda naman ang pamamahagi ng ayuda sa may 1,129 na magsasaka na kabilang sa batch 3 at 4. Pinangasiwaan ng mga kawani ng DA MiMaRoPa – Rice Program ang pamamahagi katuwang ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng bawat bayan.

Lubos ang pasasalamat ng mga nakatanggap ng RFFA dahil malaking tulong anila ito sa gastusin sa kanilang mga palayan lalo na sa pagbili ng abono at pamatay peste.

“Napakalaking tulong sa kagaya naming maliit na magsasaka ang makatanggap ng P5,000 lalo na sa tulad ko. Napapanahon sa pangangailangan namin sa pagtatanim ang pagdating ng ayuda ng RFFA, salamat sa Department of Agriculture,” mensahe ni Joemar de Villa, isa sa mga benepisyaryo mula sa munisipalidad ng Pola.

“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa DA sa pangunguna ni Sec. William Dar sa natanggap ko pong ayuda na P5,000 na malaki ang naitulong sa pagsisimula ng pagtatanim naming mag-asawa,” pasasalamat naman ni Analisa Benauro, residente ng bayan ng Bansud.

Samantala, mula sa mahigit P200 milyon na alokasyon ng RFFA para sa MiMaRoPa, P21 milyon dito ang nakalaan para mahigit 4,000 na aprubadong benepisyaryo ng programa sa Oriental Mindoro.  Tuloy – tuloy naman ang pamamahagi nito sa mga probinsiya sa rehiyon. Ang RFFA ay bahagi ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nakapaloob sa Republic Act 11203 o ang Rice Tariffication Law (RTL).

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.