Calapan City, Oriental Mindoro – Umabot sa 243,000 na pananim na Hawaiian variety ng pinya na may kabuuang halaga na P1,822,500 ang pinamahagi sa 14 na samahan ng mga magsasaka sa bayan ng Bulalacao at San Teodoro sa Oriental Mindoro nitong Agosto sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP) MiMaRoPa.
Ayon kina HVCDP MiMaRoPa Provincial Coordinator Arjay Burgos, Agriculturist II at Technical Staff ng programa sa lalawigan na si Gerald Alapar, Agriculturist I, layunin nito na magkaroon ng dagdag na mapagkakakitaan ang mga magsasaka lalong higit ang mga kapatid na Mangyan, itaas ang antas ng kanilang kamalayan at kaalaman sa iba’t ibang paraan ng pagsasaka gaya ng diversified at climate resilient farming na makatutulong na mabawasan ang pinsala sa kanilang mga taniman tuwing may kalamidad, at mapataas ang produksyon ng pinya sa Oriental Mindoro gamit ang Hawaiian variety na kilala sa pagkakaroon ng mataas na ani.
“Naisip po ng Kagawaran ng Pagsasaka na pinya ang ipamigay na pananim sapagkat kung ito ay maaalagaan nang tama ay magandang pagkakitaan, at the same time sa mga nangyayari sa atin na lagi tayong nadadaanan ng bagyo, ang pinya ay matibay sa malakas na hangin at bagyo,” paliwanag ni Burgos.
May bilang na 143,000 pineapple slips na nagkakahalaga ng P1,072,500 ang pinaghatian ng 450 magsasaka sa munisipalidad ng San Teodoro na miyembro ng iba’t ibang samahan kabilang na ang Samahan ng Nagkakaisang Tagalog at Mangyan sa Caagutayan (NASATAMACA); Mother’s Class of Saclag Association (MCSA) ; Ibuye Upland Farmers Association (IUFA); Kabisig ng Mangingisda ng Ilag (KAMI); Calangatan Farmers Association (CFA); Bigaan Community Farmers Association (BCFA); Caguinto Upland Farmers Association (CAGUFA); Samahan ng Magsasaka ng Calsapa (SMC); Ilag Samahan ng Magsasaka (ISAMA); at Samahan ng Mangingisda ng Ilag (SMI). Maliban sa mga nabanggit, nabigyan rin ng mga pananim ang isang learning site at ang ecological park sa naturang bayan.
“In behalf po ng Local Government Unit ng San Teodoro, lubos po ang pasasalamat ng aming bayan para po doon sa interventions na dinala ng DA MiMaRoPa na mga planting materials ng pinya. Sana po ay patuloy ang pagtulong nila sa ating mga kababayan dito sa bayan ng San Teodoro,” pasasalamat ni Municipal Agriculturist Renato Yabes.
Samantala, apat na samahan ng mga katutubong magsasaka naman sa Bulalacao ang naging benepisyaryo ng 100,000 mga pananim na nagkakahalaga ng P750,000: ang Samahang Pangkabuhayan sa Lagnas; Kausahan Kalamalayan Hanunuo Mangyan sa Benli (KKHMB); Pangkabuhayan ng Hanunuo sa Upper Yunot (PAHUY); at Samahang Pangkabuhayan sa Gatol, Udal, Banti, Agong, Tabtabong (SAPAGUBAT).
“Talagang napakamaraming salamat po sa tulong na binigay ninyo na mga pananim na pinya, malaking tulong po ito para sa pangkabuhayan ng mga katutubong Mangyan. Bilang isang katutubo, tutulungan ko po ang aking kapwa katutubo sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaalaman sa pagtatanim ng pinya”, mensahe ni Ike D. Inggo, IP Program Coordinator sa bayan ng Bulalacao.
Tiniyak ng HVCDP MiMaRopa na susuportahan ang mga benepisyaryong magsasaka pagdating sa teknikal na kaalaman sa pagtatanim at pamamahala ng mga pinya sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga angkop na pagsasanay katuwang ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng mga nabanggit na bayan. Dagdag pa ni DA MiMaRoPa Operations Division OIC-Chief Sonnie Sinung na siya ring Regional Focal Person ng programa, tututukan nila ang mga ito hanggang sa makapamunga at makita ang dami ng mga magiging ani upang matukoy ang pinakaangkop na merkadong maaaring pagdalhan sa mga ito.
Samantala, kamakailan lamang ay ibinahagi ng Kagawaran ng Pagsasaka sa pamumuno ni Kalihim William Dar na malapit nang maaabot ng mas maraming pinya at mangga mula sa Pilipinas ang merkado ng Estados Unidos matapos magkasundo ang Department of Agriculture – Bureau of Plant Industry (DA-BPI) at US Department of Agriculture – Animal and Plant Health Inspection Service (USDA-APHIS) sa isang virtual meeting noong ika-12 ng Agosto.
“Ang pagpapalawak ng merkado ng pag-eexport ng mga pinya at mangga ng Pilipinas sa US at iba pang mga bansa ay hindi lamang magpapalakas sa ating pambansang ekonomiya kungdi magbibigay rin ng mas mataas na kita sa libu-libong magsasaka at kanilang mga pamilya sa mga probinsiyang may produksyon ng pinya at mangga,” pahayag ni Sec. Dar. (https://www.da.gov.ph/more-phl-pineapples-mangoes-soon-to-reach-us-markets/?fbclid=IwAR0cC17f8BJyS57IfMqPY3lGxQihweFnO3lIQI75q-IVGh2ccxvDTOj5wfQ)