Tuloy-tuloy pa rin ang pamimigay ng Kagawaran ng Pagsasaka at mga kasamahan nitong ahensiya ng Cash and Food Subsidy for Marginalized Farmers and Fisherfolk (CFSMFF) sa Rehiyon ng MIMAROPA. Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 9,000 na mga magsasaka at mangingisda ang nakatanggap na ng kanilang subsidiya na naglalaman ng P3,000 pera at pagkain (bigas, manok, itlog) na nagkakahalagang P2,000.
Ang CSFMFF ay programa ng Kagawaran sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act na pinatupad nong Setyember 2020. Dahil sila ay kinilalang mga frontliner pagdating sa food security, nilalayon ng pamahalaan na suportahan ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng direktang pamimigay ng ayuda upang makadagdag sa kanilang panggastos at makatulong sa pagbawas ng kanilang gagastusin sa pagkain. Ito ay isa lamang sa mga suportang binibigay ng Kagawaran upang paigtingin ang mga programa para sa seguridad sa pagkain.
Ang programang ito ay naglalayon din na suportahan ang mga lokal na prodyuser ng bigas, itlog at manok sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kooperatiba sa bawat probinsiya. Ito ay pinili at binusisi ng Regional Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).
Ang mga kooperatibang nakuhang maging suplayer ay ang mga sumusunod: Bansud Livestock Multi-Purpose Cooperative sa Oriental Mindoro, Mindoro Progressive Multi-Purpose Cooperative sa Occidental Mindoro, MKC Food Distribution sa Palawan, Palawan ARC Cooperative Federation, Angel Rose General Merchandise sa Marinduque, St. Vincent Ferrer Parish Multi-Purpose Cooperative, at St. Joseph the Worker Multi-Purpose Cooperative sa Romblon.
Samantala, pinagtulong-tulongan naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Coconut Authority, National Commission on Indigenous People, at Regional Corn Program sa pakikipag-ugnayan sa mga Local Govern Units sa bawat bayan sa Rehiyon ang pagpili ng mga kwalipikadong mga magsasaka at mangingisda na makakatanggap ng subsidiya.
Ang distribusyon ng subsidiya ay maaaring magtapos nitong buwan.