Patuloy pa ring namimigay ng libreng certified inbred palay seeds ang Kagawaran ng Pagsasaka sa pamamagitan ng Philippine Rice Research Institute - Los Baños, Laguna nang sa gayo’y matugunan ang pangangailangan sa paghahanapbuhay ng mga magpapalay ng MIMAROPA bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan at pagharap sa kasalukuyang pandemikong COVID-19.
Mula sa 8.5 bilyong pondo sa ilalim ng Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) ng DA Rice Resiliency Project, ang Rice Competitiveness Enhancement Fund – Seed Program ay may nakalaang 145, 472 mga sako ng certified inbred palay seeds para sa mga lalawigan ng MIMAROPA. Ayon kay Releth Nilo, Science Research Specialist I ng PhilRice, naipamigay na ang 42, 548 na mga nasabing palay seeds simula Marso hanggang Mayo; Occidental Mindoro (5,897), Oriental Mindoro (31,256), at Palawan (5,395).
Dagdag pa niya na mayroong kabuuang bilang na 20 munisipalidad na may 3,683 benepisyaryong magpapalay na mga rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) na mabibigyan batay sa naging produksyon ng bigas ng kanilang bayan nitong nakaraang anihan.
Sa kasalukuyan, tumanggap na ng certified seeds ang mga benepisyaryong magsasaka ng mga sumusunod na bayan sa Occidental Mindoro; Looc (126), Lubang (175), Sablayan (497), Sta. Cruz (2, 198), Calintaan (750), at Magsaysay (2,151).
Tumanggap na rin ang mga sumusunod na munisipalidad ng Oriental Mindoro; Baco (3,260), Calapan City (3,494), Bansud (1,130), Bongabong (3,503), Gloria (4,708), Mansalay (3,153), Pinamalayan (1,269), Naujan (3,760), Pola (79), Socorro (2,820), at Victoria (4,080).
Sa lalawigan ng Palawan, tumanggap na rin ang mga sumusunod na munisipalidad; Dumaran (1,218), Roxas (1,210), at Rizal (2,967).
Nagpahayag ng tuwa si Pinamalayan Municipal Agriculturist Danny Villacrusis habang namimigay ng mga sako ng binhing mula sa paunang 1,400 sako mula sa DA sa mga magsasaka ng kaniyang munisipyo, “Nakakapagod pero magaan ang pakiramdam kapag nakapagbigay ka ng serbisyo sa mga magsasaka na nangangailangan. Sana mapadami namin ang ani ng ating mga magpapalay,” sambit niya.
Nagpahayag din ng pasasalamat para sa 3, 810 sako ng certified seeds si City Agriculturist Lorelein Sevilla sa DA-PhilRice at DA- Regional Field Office – MIMAROPA sa kaniyang social media post na may #ParasaMagsasaka.
Hinihikayat ng Kagawaran ng Pagsasaka na ang mga nasabing magpapalay ay makipag-ugnayan sa kaniya-kaniyang Tanggapan ng Pambayang Agrikultor (Municipal Agriculturist Office) para sa iskedyul ng pamimigay ng mga binhing palay. Pinaaalalahanan ding panatilihin ang physical distancing at pagsusuot ng face mask sa mga lugal ng pagdarausan ng mga nasabing gawain.