Nagtapos ang 147 na magsasaka mula sa probinsiya ng Oriental Mindoro, Romblon, Marinduque, Palawan at Occidental Mindoro sa “Training on Vegetable Production with Emphasis on Urban Agriculture“ na pinangasiwaan ng Department of Agriculture MIMAROPA National Urban and Peri-urban Agriculture Program (DA MIMAROPA-NUPAP) at sa pakikipagtulungan ng High Value Crops Development Program ( HVCDP) .
Ang Training on Vegetable Production with Emphasis on Urban Gardening ay isinagawa upang mapalakas ang urban gardening at ang paggamit ng mga organikong pataba. Layunin din ng pagsasanay na ito na hikayatin ang mga magsasaka na magtanim ng gulay sa kanilang mga bakuran at ibang maliliit na espasyo upang mapanatili ang seguridad sa pagkain sa kanilang lugar. Ang pagsasanay na ito ay nagtuturo rin sa mga magsasaka ng mga makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pagtatanim ng gulay at paggawa at paggamit ng mga organikong pataba.
Sinimulan sa bayan ng Oriental Mindoro ang pagsasanay kung saan 30 magsasaka ang nagsipagtapos. Sa Marinduque, Romblon at Occidental Mindoro naman ay may tig-25 na magsasakang nagtapos. Samantalang, 42 na magsasaka naman ang nagsipagtapos mula sa unang batch ng training sa Palawan.
Ilan sa mga pinag-aralan ng mga magsasaka ay patungkol sa Vegetable Production and Technologies at Pest and Diseases on Vegetable. Pagkatapos ng pagtalakay sa mga ito, nagkaroon naman ang mga magsasaka ng hands-on activity kung saan kanilang ginamit ang kanilang mga natutunan upang makagawa ng mga sariling pataba sa kanilang mga tahanan gamit ang mga locally available raw materials .
Ang mga tagapagsalita na nagturo sa pagsasanay ay mula sa Mindoro State University, Bureau of Plant Industry, Municipal Agriculture Office at Provincial Agriculture Office.
Pagkatapos ng pagsasanay ay nakatanggap naman ang mga magsasaka ng mga binhi bilang suporta sa programa ng ahesya na palakasin ang Urban Gardening sa bansa.
Ang pagsasanay na ito ay ginanap noong May 2-3 sa Puerto Galera, Oriental Mindoro; May 10-11 naman sa Boac, Marinduque, May 18-19 sa Odiongan, Romblon, May 25-26 naman sa Puerto Princesa, Palawan at May 30-31 sa Magsaysay, Occidental Mindoro. Inaasahan naman ang pagsasagawa ng 2nd batch ng pagsasanay sa Puerto Princesa City , Palawan sa June 20-21, 2023.