News and Events

Magmamais ng Taytay at Narra Palawan, nagsipagtapos sa Farmers Field School
Mga nagsipagtapos ng Farmers Field School mula sa bayan ng Narra (top) at bayan ng Taytay (bottom), Palawan

Magmamais ng Taytay at Narra Palawan, nagsipagtapos sa Farmers Field School

Nagsipagtapos ang 98 mga magmamais ng Taytay at Narra, Palawan sa naganap ang Farmers Field School (FFS) Graduation nitong ika-27 at 28 ng Oktubre ngayong taon.

Layunin ng FFS na mapalakas ang kapasidad ng mga magmamais sa MIMAROPA sa pamamagitan ng hands on training at field experiences. Isa sa pinagtuunan ng pansin sa FFS na ito ay ang Integrated Pest Management kung saan tinuruan ang mga magmamais na makilala ang mga peste at sakit  sa mais at kung paano ito maiiwasan at makokontrol.

Isa din sa mahalagang parte ng pag-aaral sa FFS ay ang paghahanda sa magmamais ng tamang preparasyon, operasyon, pagtatanim at pag-aani ng mais sa pamamagitan ng mga praktikal o aktuwal na mga gawain.

Tinuruan din ang mga magsasaka ng tamang pagpaplano, pagbabadyet at record keeping na kailangan upang mas makita nila ang kung ano ang naging lagay ng kanilang puhunan at kita.

Ang FFS na ito ay tumatagal ng 16 na linggo kung saan ang mga magsasaka ay nagkikita-kita upang mag-aral isang beses sa isang linggo.

"Sa kahabaan po ng aming pinag-aralan, marami po akong natutunan. Kasi yung mga sinaunang kaalaman po ay nadagdagan at napalitan. Dati po kasi ay season lang magtanim ng mais, ngayon po basta may irigasyon ka kahit tag-init ay pwede ka ng magtanim. Malaking bagay po ito sa amin. Maraming maraming salamat po sa inyo na pinuntahan nyo at tinuruan nyo kami na matutong magtanim ng mais”, kwento ni Mark Anthony Hemor, graduate ng FFS mula sa bayan ng Taytay.

“Bago ako sumali sa FFS ay nakapagtesting ako magtanim ng mais pero ang ginamit ko ay yung makalumang teknolohiya. Sa kasamaang palad, wala akong naani na maganda ang resulta. Kaya pinagsumikapan kong mag-enroll sa FFS at nakikita ko sa aktwal naming pag-aaral na marami pala akong kakulangang ginagawa sa aking pagtatanim noong nakaraan,” pahayag ni Nemuel Dalabajan, magmamais mula sa Taytay, Palawan.

Bukod sa kanilang pag-aaral at pagsasanay, nakatanggap din ang mga mag-aaral ng binhi at abono mula sa kagawaran na kanilang ginamit sa kanilang aktuwal na pagsasanay.

“Sa aking experience sa ating FFS, marami na po akong nadaluhang pagsasanay pero dito po sa FFS ng Corn (Program) lamang po ako nakapag-train na bibigyan ka ng binhi at bibigyan ka ng abono at mai-apply mo ang napag-aralan mo at kumita ka pa,”ani ni Nexson Arangueste, FFS graduate mula sa bayan ng Narra.

Lubos ang pasasalamat ng mga magmamamais na nakapagtapos sa FFS at patuloy nilang hinihikayat ang iba pang magsasaka na subukan ang pagmamais at mag-enroll sa mga FFS na gaganapin sa kanilang mga lugar.

"Sana po lahat ng ating natutunan ay mailagay po natin sa ating isip at malagay po natin sa ating buhay para sa karagdagang kita para sa ating buhay at ating pamilya. Maraming Salamat po,” paghihikayat ni Antonio de Luna ng Taytay, Palawan.

“Sana ay pagkatapos ng graduation natin ay tutukan natin ang pagtatanim ng mais, tulong-tulong tayo na magtanim ng mais dahil malaking tulong ito sa ating kita dahil sa mahal ng abono ngayon ay pwede na nating i-organic ang pagmamais,” ani ni G. Hemor.

Ang FFS Graduation sa bayan ng Taytay at Narra, Palawan ay naganap sa pamamagitan ng Kagawaran ng Pagsasaka-MIMAROPA sa pangunguna ng Corn and Cassava Program na kinatawan nina Engr. Franz Gerwen Cardano, Assistant Regional Corn and Cassava Focal Person at Vann Eric Morillo, Provincial Corn Focal Person. Katuwang ng kagawaran ang Provincial and Municipal Agriculture Office at lokal na pamahalaan sa mga nasabing bayan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.