Hinikayat ng Kagarawan ng Pagsasaka Rehiyon ng MiMaRoPa (DA-MIMAROPA) ang mga lokal na pamahalaan na isulong ang pagsasagawa ng isang lokal batas na magpapatibay at magtataguyod ng mga layunin ng Food Safety Act of 2013 sa kani-kanilang probinsiya. Ito ang pinakasentro ng ginanap kamakailan na Briefing on the Food Safety Act to Protect Consumer Health and Facilitate Market Access sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Inorganisa ang naturang aktibidad sa pangunguna ng Regulatory Division ng DA MiMaRoPa at dinaluhan ng 40 kinatawan mula sa iba’t ibang Agriculture Offices sa mga probinsiya, bayan at siyudad ng rehiyon ganoon rin ng mga opisyales ng tanggapan sa pamumuno ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio, OIC Regional Technical Director for Research and Regulations Engr. Ma. Christine C. Inting, Regulatory Division Chief Michael Graciano R. Iledan, Integrated Laboratories Division Chief Nanette M. Rosales, Regional Agriculture Fisheries and Information Section Chief Baby Clariza M. San Felipe, at Agricultural Program Coordinating Officer Artemio D. Casareno.
Layunin nito na ibahagi sa mga dumalo ang isinusulong na layunin ng naturang batas na itaguyod at suportahan ang pagkakaroon ng farm-to-fork safety regulatory system na titiyak sa mataas na kalidad at ligtas na pagkain, pagtataguyod sa patas na kalakan at pagiging competitive ng mga produktong pagkain ng bansa, at paghikayat sa mga LGUs na isulong ang isang lokal na batas na higit pang magpapatibay at tutulong sa mas epektibong pagkilos tungo sa pagkakaroon ng masustansiya at ligtas na pagkain simula sa mga magsasaka, mga nagpoproseso at nagtitinda nito, hanggang sa mesa ng mga consumers.
Samantala, binigyang diin ni RED Gerundio ang kahalagahan ng Good Agricultural Practices (GAP), Good Manufacturing Practices (GMP), Hazard Analysis Critical Control Points (HACCP), at iba pang mahahalagang punto na nagbibigay halaga sa food safety.
“Kahit ikaw ay ordinary seller lang sa tabi ng kalye, kailangan mo pa ring sumunod sa food safety. Sabi nga nila, food safety affects not only our nutrition, our health, and all of us need to be healthy kaya minabuti ng Kagawaran ng Pagsasaka na kung ano ang mga karunungan tungkol dito ay maipaabot sa ating lahat at matutunan natin kung paano isasagawa ang food safety,” mensahe ni RED Gerundio.
Matapos magsalita ni RED Gerundio, tinalakay naman ang mga mahahalagang nilalaman ng Food Safety Act of 2013 ni Food Safety Lead Dr. Pedro S. Dumaraos, Jr. ng DA Office of the Assistant Secretary for Regulations.
Aniya, “Masaya ako na may mga ganitong opportunity that we can impart our services and share our experiences. Help us in imparting food safety, start food safety culture in your family.”
Ibinahagi naman ng mga kinatawan mula sa Bureau of Plant Industry sina Julie Ann Aragones, Senior Agriculturist at Jenneth Poblete, Agiculturist I; Bureau of Animal Industry Food Safety Focal Hernando M. Tipa; at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Food Safety Focal Lea A. Dagot kasama si Bb. Sheryll D. Montesa ang papel ng kani-kanilang tanggapan sa implementasyon ng naturang batas ganon rin ang mga polisiya sa pagkamit ng food safety sa mga halaman, hayop at lamang-dagat. Tinakalay rin ni ILD Chief Rosales ang mga tungkulin at serbisyo ng tanggapan habang inisa-isa ni Regulatory Division Chief Iledan ang mga kasalukuyang inisyatibo ng DA MiMaRoPa hinggil sa food safety. Sa pagtatapos ng aktibidad, panawagan ng huli sa mga nagsidalo na ipalaganap ang impormasyon hinggil sa Food Safety Act kasunod ang paghikayat sa mga LGUs na suportahan ang mga hangarin ng batas na ito sa pamamagitan ng pag-aakda ng ordinansa na magsusulong sa kaligtasan ng pagkain mula sa produksyon, pagproseso, pagtitinda, hanggang sa pagkonsumo ng mga mamamayan.