News and Events

LGU ng San Jose, Occidental Mindoro binili ang higit sa PhP 878 libong halaga ng produkto ng mga magsasaka’t mangingisda

LGU ng San Jose, Occidental Mindoro binili ang higit sa PhP 878 libong halaga ng produkto ng mga magsasaka’t mangingisda

Simula nang ipatupad ang lockdown at enhanced community quarantine (ECQ) sa MiMaRoPa, nahirapan ang paghahatid ng mga produkto sa iba’t-ibang lugar. Ang mga tsuper ng delivery trucks ng produktong agrikultura at pangisdaan ay kailangang sumailalim sa quarantine sa loob ng labing-apat (14) na araw matapos silang bumiyahe.

Iyon ang nagbunsod sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) ng rehiyon na nagpasiyang bilhin na lamang ang mga aning bigas, sari-saring mga gulay, prutas, isda, manok, at karneng baboy para isama sa ipinamamahaging relief goods imbes na mga canned goods na limitado na ang supply sa kasalukuyan.

Ang ginawang hakbang ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan ay pagtalima sa panawagan ng Department of Agriculture, sa pamumuno ni Agriculture Secretary William Dar,  na suportahan ang mga magsasaka’t mangingisda lalo pa at nasa panahon ng krisis ang bansa dulot ng COVID-19. Ang perang kinita ng mga magsasaka’t mangingisda na nanggaling sa mga biniling produkto nila ay gagamitin nilang puhunan para sa susunod na cropping season at panustos din sa pang araw-araw na pamumuhay.

Isa ang San Jose, Occidental Mindoro sa mga bayan sa rehiyon ng MiMaRoPa na tumalima sa panawagan ng DA. Ayon kay Rommel Calingasan, ang Municipal Agriculturist (MAO) ng San Jose, iminungkahi niya kay Mayor Romulo “Muloy” Festin na isang “win-win solution” ang pagbili sa mga produkto ng lokal na magsasaka para idagdag sa ipinamamahagi na relief goods.

Yaman din lang na oversupply ang mga gulay na inani ng mga magsasaka sa San Jose, naisip ng MAO na yung lokal na gulay na lang ang ibigay sa mga tao. “Nahihirapan sila (mga magsasaka) magbenta at kung maibenta man ay sa mababang halaga lang kaya walang kita ang farmers,” sabi pa ni Calingasan.

Ngunit sa nasabing proyekto ng San Jose LGU na pagbili sa mga produkto, natulungan nila na maibenta ang labis-labis na ani kung kaya kumita ng maayos ang mga magsasaka’t mangingisda. “Nakasisiguro pa kami na sariwa’t masustansya ang laman ng food packs na ipamamahagi sa mga mamamayan ng San Jose,” dagdag pa ng MAO. Dati rati kasi ay bukod sa bigas, puro manufactured foods ang laman ng food packs na ibinibigay sa nasabing bayan.

Kahit pa walang resibong naibibigay ang mga magsasaka’t mangingisda, hindi naman nagkaroon ng problema ang San Jose LGU sa pagbili ng produkto. Sabi ni Calingasan “batay sa guidelines ng Bayanihan Act Fund na ibinigay ng national government sa mga LGUs,  puwedeng gamitin ang pondo sa pagbili ng mga food assistance directly sa mga farmer producers.”

Bago pa man aniya lumabas ang mga guidelines ay nakapamili na ang kanilang lokal na pamahalaan. Nang itanong niya sa tanggapan ng Commission on Audit (COA) sa kanilang bayan hinggil sa pinakamadali at pinakamaayos na paraan ng procurement sa panahon ng krisis, inabisuhan si Calingasan ng kaparehas sa nakasaad sa guidelines ng Bayanihan Act Fund.

Kahit walang PhilGEPS, nakapamili na ng produktong agricultural ang iba’t ibang LGUs sa lalawigan alinsunod sa nakasaad na guidelines o patnubay kung paano gastusin ang Bayanihan Act Fund. Maari ring bumili ng produkto sa mga farmers’ cooperatives na nakakapagbigay ng resibo. “Sa Bayanihan Act, kahit wala PhilGEPS po puwede,” sabi ni Calingasan.

Sa lingguhang ulat ng Agriculture and Marketing Assistance Division (AMAD) ng DA-MiMaRoPa na isinumite noong Mayo 8, nakasaad na direktang binili ng mga LGUs sa limang lalawigan sa rehiyon ang mga produktong may kabuuang halaga na PhP 548,533,098.50.

Samantala batay na naturang report, binili ng lokal na pamahalaan ng San Jose, Occidental Mindoro ang PhP 878,040 na halaga ng iba’t ibang mga produkto. Pinakamalaking bahagi nito ay 19.88 tonelada ng kalabasa (squash) sa halagang PhP 227,200 mula Marso 18 hanggang Mayo7. Nadagdagan pa ang bilang ng biniling kalabasa, 284 sako sa halagang PhP 198,400 noong April 27. Binili rin ng LGU ang kamatis, monggo, at dilis na ani ng magsasaka’t mangingisda sa kanilang bayan.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.