Tuloy – tuloy ang pagsasagawa ng pagsasanay ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ng Department of Agriculture MIMAROPA hinggil sa clustering sa mga samahan ng mga magsasaka sa rehiyon tungo sa pagkamit ng masaganang ani at mataas na kita.
Kabilang sa kanilang pinuntahan kamakailan ang Makapili Vegetable Growers Association sa Brgy. Pili, Pinamalayan, Oriental Mindoro, isa ang nasabing samahan sa apat (4) na cluster sa ilalim ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) sa lalawigan. Isa sa mga pangunahing kailangan upang maging kwalipikado ang isang samahan sa mga interbensyon ay ang pagkilala ng DA sa pamamagitan ng civil society organizations (CSO) accreditation kaya unang tinalakay ni Hazel Gardoce, Agriculturist II ng Institutional Development Unit (IDU) ang mga pangangailangan at proseso nito. Ang mga samahan ng mga magsasaka na nabuo at operasyunal na sa loob ng tatlong taon pataas, mapapatunayang matatag at totoo, rehistrado at may maayos na financial statement ay maaaring mag-apply ng CSO accreditation upang maging lehitimong katuwang ng Kagawaran sa implementasyon ng mga proyekto na binibigay sa mga benepisyaryo nito.
Inisa-isa naman ni Meljhon Docejo, Market Specialist I ang mga uri ng grants na maaaring ibigay sa ilalim ng Enhanced Kadiwa Program na naglalayong mas palawigin at palakasin ang Kadiwa ni Ani at Kita Program upang higit na makatulong sa mga mamamayan. Maliban sa mga samahan ng mga magsasaka at mangingisda, maaari ring makinabang dito ang mga state universities and colleges, mga lokal na pamahalaan, mga komunidad at iba pa. Bukod sa CSO accreditation, kinakailangan rin na ang samahang nagnanais makinabang sa programa ay natapos na ang kanilang obligasyon sa naunang proyektong ibinigay sa kanila ng gobyerno at may kakayahang mamahala at magpalago ng mga proyekto para sa ikabubuti ng samahan at mga miyembro nito. Ibinahagi rin niya ang market opportunities sa Lungsod ng Las Piñas sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang mga aning gulay sa Kadiwa Store dito.
Samantala, higit namang nalinawan ang mga kasapi ng Makapili VGA hinggil sa F2C2 na siyang nangunguna sa 18 estratehiya na inilatag ng DA bilang gabay sa pagbuo at implementasyon ng mga programa nito. Ibinahagi ni Rustom Gonzaga, Agriculturist II at F2C2 Report Officer ang konsepto ng programa na naglalayong palakasin at bigyan ng suporta ang mga clustered areas sa tulong ng mga banner programs ng ahensiya. Aniya, ang pagkamit ng masaganang ani at mataas na kita ay higit na magiging madali kung sama-samang matutugunan ang mga usapin at hamon sa mga magsasaka gaya ng kakulangan sa teknikal na kasanayan, kakayahan sa pamamahala ng samahan, kawalan ng bargaining power dahil sa hiwa-hiwalay na produksyon, kawalan ng kumpletong value chain, at iba pa. Tinalakay rin niya ang walong hakbang na nakapaloob sa Agro-Enterprise Clustering Approach (AECA) o ang pinagsama-samang konsepto ng agrikultura at pagnenegosyo na kinabibilangan ng (1) pagbuo ng cluster; (2) pagbuo ng production module and cluster supply plan; (3) paggawa ng agro-enterprise plan; (4) pagtukoy ng mga magsasakang handang maging bahagi ng AE cluster; (5) pagsasapinal ng AE plan; (6) pagbuo ng production forecast; (7) balidasyon ng AE plan sa pamamagitan ng test marketing; at (8) ebalwasyon at pagpapaganda pa ng AE plan.
“Kami ay hindi natatapos dito, ang aming suporta sa inyong asosasyon ay tuloy – tuloy at lahat ng assistance na ibibigay natin sa inyong grupo ay ating pagtutulungan para mas mapabuti at mapaunlad pa ang inyong mga miyembro at kayo ay kumita,” mensahe ni Gonzaga.
Nagpahayag naman ng pasasalamat sa DA si Makapili VGA President Melvin Lolong sa patuloy aniyang pagtulong at paggabay ng DA sa kanilang samahan. Natanggap na rin nila at kasalukuyang pinakikinabangan sa pagtitinda ng kanilang mga produkto ang Kadiwa truck na nagkakahalaga ng P1.8 milyon.
“Ako po ay nagpapasalamat na kami ay isa sa mga laging nabibigyan ng tulong mula sa DA at ito po ay malaki ang naitulong sa aming pagsasaka. Mas lalo pa naming pag-iibayuhin ang aming pagsasaka at patuloy na makatulong sa ating pangangailangan (sa pagkain) lalong higit sa mga high-value crops,” aniya.
Samantala, sa tulong ni Project Development Officer Ruben Pagarigan, nagkaroon rin ng kalinawan ang samahan hinggil naman sa usapin ng pagbabayad ng buwis. Dumalo rin sa aktibidad si Municipal Agriculturist Danny Villacrusis at Pili Brgy. Captain Gilbert A. Seño.