Matagumpay na pinasinayaan ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA Region ang kauna-unahang Onion Cold Storage sa rehiyon noong ika-7 ng Disyembre sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Ang proyekto na nagkakahalaga ng Php 20 million ay ipinagkaloob sa Mindoro Progressive Multipurpose Cooperative (MPMPC) na matatagpuan sa Brgy. Tangkalan sa nasabing bayan. Ang pondo ay mula sa Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) sa ilalim ng High-Value Crops Development Program (HVCDP) ng DA.
Ang operasyon ng proyekto ay magsisimula sa Abril 2022. Ito ay may sukat na 363.59 square meter at kayang serbisyuhan ang 261 magsasaka ng sibuyas at mag-imbak ng 10,000 bags o 250 MT ng sibuyas.
Ito rin ay naglalayon na tulungan ang mga magsisibuyas sa nasabing probinsiya na magkaroon ng maayos na imbakan ng kanilang mga ani upang mapanatili ang kalidad nito ng pito (7) hanggang 10 buwan. Sa pamamagitan nito ay maiiwasan rin ang pagkabulok at pag-atake ng peste sa sibuyas.
Ang proyekto ay naglalayon din na hikayatin pa ang mga magsasaka na patuloy na magtanim ng sibuyas sa kabila ng pagsubok na nararanasan tuwing anihan.
Ayon kay Congresswoman Josephine Sato, may mga panahon na umiyak ang mga magsasaka tuwing anihan dahil sobrang baba ng presyo o halaga ng sibuyas.
“There was a time na sinusuportahan namin sila sa tracking ng kanilang sibuyas upang maipadala sa cold storage sa La Union o Batangas to wait for a better time and a better price. Kaya labis po kaming nagpapasalamat sa pagkakaloob nitong onion cold storage sa aming probinsya,” pasasalamat ni Cong. Sato.
“Hindi na iiyak ang mga magsasaka dahil sa baba ng kita, tears of joy nalang dahil sa pagdating ng cold storage dito sa probinsya. Hopefully, itong proyekto ay maging isa na namang value adding sa inyo,” sabi ni HVCDP National Program Director Glenn Panganiban.
Ang probinsya ng Occidental Mindoro ay isa sa mga nangungunang prodyuser ng sibuyas sa Pilipinas na kayang mag-produce ng 12-15mt kada ektarya ngunit isa sa kanilang problema ay ang kakulangan ng sapat na imbakan nito. Kaya naman labis ang pasasalamat ng MPMPC sa natanggap na proyekto mula sa DA.
“Hindi na po kami mababarat at hindi na rin mabubulok at masasayang ang aming mga sibuyas dahil mayroon na kaming cold storage na kayang serbisyuhan ang mga magsasaka dito sa aming lugar,” ayon kay Gng. Sofia Fabillar, General Manager at Founder ng MPMPC.
Ayon naman kay Under Secretary for Operations Ariel Cayanan, maliban sa cold storage ay mabibigyan rin ang kooperatiba ng sorting facility para sa paghihiwa-hiwalay ng sibuyas depende sa kalidad nito.
“Sort them well dahil sa sibuyas hindi po yung big ang mahal kundi yung small, iba po tlaga ang modality ng sibuyas. Kapag na sort na ng tama, we will now develop a sustainable supply dahil ‘yan po ang hinahanap ng mga de-demand whether market man yan or yung mga institutional buyers like Jollibee o KFC,” paliwanag ni USec Cayanan.
Kasama rin sa pagpapasinaya ng proyekto si Assistant Secretary for Field Operations Engr. Arnel de Mesa, DA MIMAROPA Regional Executive Director Antonio Gerundio, Governor Eduardo Gadiano, OIC Regional Technical Director for Research and Regulations Ma. Christine Inting and Regional HVCDP Focal Person Corazon Sinnung.