News and Events

Kauna-unahang KADIWA Center sa MIMAROPA, pormal nang binuksan sa Calapan City
Pagtanggap nina CALSEDECO MPC Chairman Denisardo Gasic at General Manager Marjorie Cuasay ang Certificate of Turn-over and Acceptance kasama ang isang tseke na iginawad nina Regional Technical Director for Research and Regulations Dr. Nanette M. Rosales at AMAD Chief Randy Pernia

Kauna-unahang KADIWA Center sa MIMAROPA, pormal nang binuksan sa Calapan City

Pormal nang binuksan ang kauna-unahang KADIWA center sa buong rehiyon ng MIMAROPA, ika-10 ng Marso, sa Brgy. Sta. Isabel, Calapan City. Pinangangasiwaan ang proyektong ito ng CALSEDECO Multi-Purpose Cooperative, sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture-MIMAROPA sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD).

Pinangunahan nina AMAD Chief Randy Pernia at KADIWA Focal Person Rustom Gonzaga ang pagsasakatuparan ng inisyatibang ito, na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa rehiyon na direktang maibenta ang kanilang mga produkto sa mga mamimili.

Dumalo sa opening ceremony ang mga opisyal ng kagawaran, kabilang sina Agribusiness and Marketing Assistance Service Acting Assistant Chief Ronaldo S. Caddarao at Regional Technical Director for Research and Regulations Dr. Nanette M. Rosales, na kumatawan kay DA MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas.

Sa naging mensahe ni RED Atty. Bañas na binasa ni RTD Dr. Rosales, sinabi niya: “Asahan ninyo po na hindi ito ang magiging una at huling KADIWA Center. Hangga’t may mga magsasaka at mangingisda na nahihirapang maabot ang merkado, handa ang Kagawaran ng Pagsasaka na magtayo ng mas marami pang KADIWA stores at centers sa buong rehiyon. Patuloy nating palalawakin ang abot ng programang ito upang mas marami pang kababayan natin ang makinabang sa mas sariwa at abot-kayang produkto, habang tinitiyak natin ang mas patas na kita para sa ating mga magsasaka at mangingisda.”

Malugod na tinanggap ni CALSEDECO MPC Chairman Denisardo Gasic ang Certificate of Turn-over and Acceptance, kasama ang isang tsekeng nagkakahalaga ng Php 5,000,000.00, na iginawad nina RTD Dr. Rosales at AMAD Chief Pernia bilang suporta sa operasyon ng KADIWA center.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Chairman Gasic sa DA at sa lahat ng tumulong upang maisakatuparan ang proyekto. Tiniyak niya na magiging tulay ang kanilang kooperatiba upang makabili ang mga mamimili ng mas abot-kayang bilihin, habang direktang natutulungan ang mga lokal na magsasaka at mangingisda na maibenta ang kanilang mga produkto.

Nakiisa rin sa naturang programa sina 1st District Congressman Arnan Panaligan, Calapan City Mayor Malou Morillo, at iba pang mga opisyal mula sa Department of Trade and Industry (DTI), Cooperative Development Authority (CDA), Provincial Agriculture Office, at City Agriculture Office.

Ang pagtatayo ng KADIWA center sa Calapan City ay isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng agrikultura sa rehiyon. Isa rin itong oportunidad upang mabigyan ang mga mamimili ng mas abot-kayang presyo ng produkto, habang sinusuportahan ang mga lokal na magsasaka at mangingisda.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.