News and Events

Kauna-unahang Fuel Discount Program sa MIMAROPA, inilunsad
Larawan ng matagumpay na paglulunsad ng kauna-unahang Fuel Discount Program sa MIMAROPA na ginanap sa Narra, Palawan sa pangunguna ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio (itaas, kanang larawan), Regional Technical Director/Corn and Cassava Regional Focal Person Ma. Christine C. Inting (ibaba, gitnang larawan) at Agricultural Program Coordinating Officer Vicente Binasahan (Ibaba, kanan sa gitnang larawan).

Kauna-unahang Fuel Discount Program sa MIMAROPA, inilunsad

Umabot sa 494 na magsasaka at mangingisda ang nakatanggap ng Fuel Discount Card na naglalaman ng  Php 3,000 sa paglulunsad ng kauna-unahang Fuel Discount Program ng Kagawaran ng Pagsasaka sa rehiyong MIMAROPA. Ito ay ginanap sa Narra, Palawan, ika-26 ng Hulyo.

Ang 164 dito ay magsasaka ng mais mula Narra (156), Rizal (1) at Tatay (7). Samantala, 330 naman ang mga mangingisda mula sa Narra (252), Quezon (26) at Sofronio Española (52).

Ang programang ito ay naglalayong matulungan ang mga magsasaka at mangingisdang gumagamit ng makinarya sa paghahanap-buhay na lubhang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa programa nito, binigyang diin ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Antonio G. Gerundio ang kahalagahan ng pagpaparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA)  para sa mga magsasaka [FishR naman para sa mga mangingisda] upang makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.

“Maglaan ng oras upang makapagparehistro sa Municipal Agriculture Office at magpamiyembro sa mga kooperatiba at asosasyon sapagkat lahat ng ayudang makinarya ay sa kanila na ibinibigay,” wika ni RED Gerundio.

Ayon naman kay Gng. Cory S. Acosta, Development Bank of the Philippines Head sa Puerto Princesa City Branch, isang karangalan para sa kanila na naging parte ang DBP upang maiparating sa mga magsasaka at mangingisda ang programa ng kagawaran.

“Kami ay nagpapasalamat na naging partner kami ng DA. Ang programang ito ay napakahalaga para sa ating mga magsasaka ng mais at mangingisda at ang DBP ang magiging daan upang makarating ang Fuel Discount Program sa kanila,” sabi ni Gng. Acosta.

Sa Narra, maaaring gamitin ang Fuel Discount Card sa kalahok na gasolinahan tulad ng Shell na may Point-of-Sale (POS) Terminal o tumatanggap ng Bancnet o Visa Card.

Nagpapasalamat si Gng. Sally Tuballa, miyembro ng Tinagong-Dagat Corn Cluster Association mula sa Brgy. Aramayway, Narra, Palawan, dahil na natanggap na tulong mula sa kagawaran.

“Malaking tulong po itong Php 3,000 fuel discount sa amin dahil magagamit po naming ito para sa aming service na ginagamit sa paghahakot ng produkto katulad ng mais, saging at kamote mula sa aming sakahan patungong pamilihan,” pasasalamat ni Gng. Tuballa.

 “Mas lalo naming nararamdaman ngayon na mayroong gobyerno. Sa ibinigay nyong tulong kami ay makakabangon muli mula sa pataas ng presyo ng petrolyo na ginagamit naming mga magsasaka,” pasasalamat rin ni Gng. Hannah Mae Golez ng PBL Corn Farmers Association/TDM Corn Cluster mula sa Malatgao, Narra, Palawan.

Namigay rin ng Fuel Discount Card sa mga magsasaka at mangingisda sa Brooke’s Point, Palawan kinabukasan, ika-27 ng Hulyo.

 

Larawan ng Taritien Elvita Corn Farmer Cluster Association na nakatanggap ng 70HP 4WD Combine Harvester.
Larawan ng Tacras Burirao Corn Cluster Association na nakatanggap ng 90HP 4WD Tractor with Implements.

Pamamahagi ng makinarya

Kasabay rin ng paglulunsad ng Fuel Discount Program ang pagbibigay ng higit Php 5M halaga ng agricultural machinery at equipment sa mga asosasyon.

Kabilang sa nabigyan ang Tacras Burirao Corn Cluster Association na nakatanggap ng 90HP 4WD Tractor with Implements na halagang Php 2,492,000 at 70HP 4WD Combine Harvester na halagang Php 2,099,000 ay tinaggap naman ng Taritien Elvita Corn Farmer Cluster Association. Nakatanggap rin ng Pump and Engine Set na halagang Php 99,900.00 ang: Taritien Elvita Corn Farmer Cluster Association, Burirao Corn Farmer Association, Tacras Corn Farmers Association, Tinagong-Dagat Malatgao Corn Cluster Association, at Malinao-Caguisan Corn Cluster-1.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.