Nagtapos ang 34 na mga mag-aaral ng Dumagueña National High School (DNHS) ng Narra, Palawan sa Farmers’ Field School (FFS) on Corn Production ng Department of Agriculture MIMAROPA (DA-MIMAROPA), ika 18 ng Mayo, taong kasalukuyan.
Pinag-aralan ng mga estudyante sa loob ng 16 na linggong pagsasanay ang seed selection, corn morphology, land preparation, planting, integrated nutrient management, fertilizers computation, weed and weeds management, integrated pest management, harvesting operation, drying and storing operation at crop cut. Pagkatapos ng lecture ay diretso naman ang mga mag-aaral sa hands-on activities upang agad na mai-apply ang kanilang mga natutunan
Ginawa ang FFS on Corn Production upang maturuan ang mga mag-aaral ng makabagong pamamaraan ng pagtatanim ng mais, paano puksain at iwasan ang mga corn pests and diseases at hikayatin ang mga kabataan na tahakin ang pag-aagrikultura.
“Isang pasasalamat po ang aming pinapabatid sapagkat isa ang Dumagueña National High School sa napakaswerteng nabigyan ng ganitong programa. Maraming salamat sa mga nagturo sa amin lalo’t higit sa nung nagsisimula palang ito. Napakasayang mag-aral mula sa land preparation hanggang sa harvesting,” pahayag ni Cyrah Alwina Aguilos, isa sa mga nagtapos sa FFS.
Naging posible ang pagpasok ng FFS sa DNHS sa pagtutulungan ng Provincial Government ng Palawan, Provincial Agriculturist Office sa pamumuno ni Dr. Romeo Cabungcal at ng Department of Agriculture-MIMAROPA Corn and Cassava Program.
Napili ang DNHS na pagdausan ng FFS dahil sa malaking potential nito na maging agricultural school. Ang DNHS ay mayroong 10 hektaryang lupain kung saan ito ay nagamit upang pagtaniman ng mga mag-aaral na nag-enroll sa Farmers Field School. Mga mag-aaral mula sa Grade 11 and Grade 12 na may interest kumuha ng agricultural courses ang napiling sumali sa pagsasanay na ito.
“Malawak ang lupain natin sa paaralan na ito [DNHS] na pwedeng gamitin ng mga bata para sa kanilang mga naisin. Nakita ko ang potensyal ng eskwelahang ito kaya inoffer ko agad kay Doc Romy Cabungcal para maging school based demo farm. Nakakatuwa po na sinuportahan po ito agad ng DA at nagtutuloy na nga po itong Farmers Field School para sa ating mga mag-aaral,” ani ni Hon. Ryan Maminta, 2nd district Board Member.
Binigyang diin din ni School Principal Clarissa Ripalda ang kahalagahan ng agrikultura sa ating bayan at kung paano dapat pa nating hikayatin ang mga kabataan na pumasok sa pag-aagrikultura. “I am very proud of all of you dahil ipinakita nyo ang pagsisikap at pagpupursigi ng bawat isa. Sa training na ito, marami tayong natutunan at nakita natin ang kahalagahan ng agrikultura sa ating buhay. Natutuwa kami dahil ang aming mga mag-aaral ang unang-una na nakapagtraining ng 16 weeks na kung saan sila ay natuto. I know na makakatulong itong malaking programang ito, hindi lang sa ating paaralan, kundi pati sa ating sariling mga buhay,” saad niya.
Ang pagsasanay na ito ay pinamunuan nina Van Eric Morillo, DA-MIMAROPA Palawan Corn & Cassava Focal Person, Jerry Sotabinto at Simuel Bungay ng Office of the Provincial Agriculturist.
“Maraming salamat po kay Sir Jerry, Sir Simuel at Sir Vann dahil hindi nyo kami pinabayaan sa 16 weeks of training. Maraming salamat po dahil kayo po ang nagturo ng dapat naming gawin at kayo rin po ang nag guide sa bawat isa sa amin,” pasasalamat ni Jeremy Francisco, isa sa nagtapos sa FFS.