Pinangunahan ng Livestock Program ng DA- MiMaRoPa ang pamamahagi ng mga dumalagang baka (heifer) at isang Forage Chopper sa Kapatirang Marinduqueño-Mogpog Fishery Agriculture Cooperative noong ika-13 ng Hunyo 2023 sa Brgy. Laon, Mogpog, Marinduque.
Kasama sa mga naipamahagi ang 23 heads na Upgraded Heifer Cattle Brahman na nagkakahalaga ng 37,500 piso ang bawat isa at ang isang Forage Chopper (Model NTDCY 12 hP) na nagkakahalaga naman ng 318,500 piso.
Ayon kay Bb. Cyrill Jem Gumba ng Livestock program ng DA- MiMaRoPa, ang nasabing programa ay naglalayong makapagbigay kabuhayan sa mga maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pag-aalaga ng hayop na makakadagdag sa kanilang kinikita maliban sa pagbubukid.
Kasama din ng ahensya ang Municipal Agriculture Office ng Mogpog sa pangunguna ni OIC- MAO na si Gng. Marnelli R. Nuñez. “Kasama ang Municipal Agriculture Office sa pagpapatuloy ng programa ng DA MiMaRoPa. Ang programa ay naglalayong maibalik ang 30 porsiyento ng bilang ng baka sa lokal na pamahalaan ng Mogpog upang magkaroon ng Redisbursment nang sa gayon ay mabigyan din ang ibang nagnanais magsimula ng pag-aalaga ng baka. Sa redisbursment po ng baka ay kahit hindi na po miyembro ng kooperatiba ay makakatanggap din po ng baka.” Aniya.
Nagpapasalamat naman si G. Angelito Nabing, pangulo ng Kapatirang Marinduque-Mogpog Fishery Agriculture Cooperative sa Department of Agriculture MiMaRopa Livestock Program at sa Municipal Agriculture Office ng Mogpog dahil sa sila ang napili bilang benepisyaryo ng proyektong ito. “Maraming Salamat po sa DA-MiMaRoPa at sa LGU-Mogpog na nabigyan sila ng pagkakataon na makapag alaga ng baka para matulungan ang kanilang mga miyembro ng magkaroon ng pagkakakitaan bukod sa pagsasaka.”
Gayundin naman, nangangako si OIC-MAO Nuñez na ang kanilang tanggapan ay patuloy na imomonitor ang proyekto ng DA-MiMaRoPa upang mas mapaganda pa ang magiging outcome ng Livestock Disbursement Program ng ahensya.
Saksi sa ginawang aktibidad sina APCO Lucila J. Vasquez, Regional Livestock Coordinator sa Marinduque na si Bb. Cyril Jem Gumba, at iba pang mga kinatawan ng Office of the Provincial Agiculturist.