Ang Palawan Research and Experiment Station (PRES) ay nakiisa sa Kadiwa ni Ani at Kita sa pamamagitan ng pagbubukas ng Kadiwa Outlet sa PRES Office, Sta. Monica, Puerto Princesa City, Palawan noong Abril 8, 2020.
Ang nais ng programang ito ay matulungan ang mga magsasaka na mapadali ang pagbebenta ng kanilang mga produkto at mabawasan pa ang gastos sa pagdadala nito papunta sa mga pamilihan.
“Ang layunin natin sa pagsasagawa nitong Kadiwa Project ay para matulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ). Dahil sila nga ay limitado ang movement, tayo na po ang kumukuha ng produkto doon sa kanilang mga farm. At, Malaki din ang kanilang kikitain dahil nabawasan ang kanilang transport cost,” paliwanag ni APCO Vicente Binasahan.
Sinang-ayunan naman ito ng magsasakang nakapagbenta ng produkto sa Kadiwa. “Nagpapasalamat po ako dahil dati ay nilalako pa namin ang mga produktong ito sa bayan pero ngayon po ay kayo na ang nandito sa amin. Nagpapasalamat kami dahil nakatipid kami sa travel expenses,” ayon kay Gng. Sharon Roldan isang magsasaka na mula Brgy. Inagawan Sub 1, Puerto Princesa City.
Isa pa sa layunin ng programang ito ay matulungan rin ang mga mamamayan na makabili ng mura at masustansyang pagkain. “Ang sabi nga po ng ating Kalihim ay we want to provide the public as many options possible to access affordable and nutritious food. Ang layunin po nito ay lahat ng consumers natin ay makaaccess ng mababang halaga ng produkto compared sa market,” ayon kay Gng. Milagros Cacal, ang hepe ng PRES.
Maganda naman ang naging tugon ng mga namili sa Kadiwa Outlet sa PRES, is ana rito si Melchor Diong, “Napakaganda ng ginawa ng gobyerno natin dahil ang mga tinda dito ay napakamura. Tulong ito sa mga mahirap. Kami ay namimili dito dahil kung ikokompara sa ibang bilihan, mas mura dito.”
Naging possible na maisagawa ang Kadiwa Outlet sa syudad dahil na rin sa tulong Provincial Office ng Palawan. Pinagamit nila ang dalawang truck para ipang-suporta sa pagtatawid ng mga produkto ng mga magsasaka papunta sa PRES.
Ang mga produkto naman na idinala sa Kadiwa Outlet ay binili sa mga magsasaka mula sa pondo ng DA-Multipurpose Cooperative at ang iba sa mga magsasaka ay natatanggap ang bayad sa kanilang mga produkto kapag ito ay nabenta na.
Ang Kadiwa Outlet sa PRES ay bukas mula lunes hanggang biyernes. Para sa interesadong mamili at magbenta ng mga produkto, maaaring sumangguni kay Milagros Cacal sa numerong 0919-935-0159.